Baryo, Banwa, at ang
“Ikatlong Espasyo” sa Tunggalian ng Tradisyonal at Moderno sa mga Sugilanon ni
Norman Darap
John E. Barrios
Si Norman Darap ay isinilang sa siyudad ng Maynila ngunit
lumaki sa baryo ng Cadabdab sa Tubungan, Iloilo. Siya ay nag-aral sa lungsod ng
Iloilo. Mahalaga itong banggitin dahil
halos ito ang makikitang tunggalian sa kanyang mga sugilanon—ang tunggalian ng
baryo at banwa—sa kanyang aklat na Pagpauli
sa Tamarora (Kasingkasing Press, 2015) na binubuo ng limang sugilanon.
Sa mga sugilanon ni Darap, ang baryo ay hindi isang saradong
espasyo. Palagi itong pinapasok, kung hindi man pinakikialaman, ng banwa at ang
kakuntsaba nitong siyudad. Sa tagadalang sugilanon ng koleksiyon na “Pagpauli
sa Tamarora,” ang baryo ng Tamarora ay nanatili na lamang sa imahinasyon ng
pangunahing tauhang si Auring. Si Auring ay kinuha ng kanyang anak na babae sa
baryo at inilipat sa banwa dahil hindi na siya kayang pagalingin ng manugbulong
ng baryo, kasama na roon ang kanyang babaylang anak na si Dado, na iniwan ang
pagiging inhenyero at sinundan ang yapak ng amang isa ring babaylan. Naniniwala
ang kanyang anak na babae na doktor lamang ang makakabuhay sa kanya. Isang medtech
sa isang ospital na malapit sa banwa ng Miag-ao ang kanyang anak. Subalit kahit
na “nadagdagan” ang kanyang taon ng pananatili sa mundo, ang kagustuhan ni
Auring na bumalik sa baryo ay hindi mawala-wala. Sa bandang huli, nakamit niya
rin ito ngunit bilang halusinasyon na lamang—ang sinasabing mili-segundong
pagkakataon na matupad ang lahat ng ninanais ng isang tao bago siya tuluyang
malagutan ng hininga.
Maituturing namang isang penetrasyon ng siyudad, ang mas
maunlad na kakambal-espasyo ng banwa, ang pagbabalik ni Budak sa Tubungan,
Iloilo mula sa siyudad ng Cebu. Ang edukasyon at modernisasyon ng siyudad ang
naghubog kay Budak para tumbahin ang tradisyonal na pnaniniwala ng kanyang mga
magulang.
“Indi, ‘Nay, a! Buot ko silingon, gusto ko lang kon
nga dal-on naton sa doktor si Nong Bugol. Didto mahatagan sya sang eksakto nga
bulong...
‘Nay, basi nagsala kamo. Wala ako nagapati nga
natabuan si Manong. Kon mariit ang sapa, kon nakapanghalit gid man sya sa mga
tamawo, tani dugay na sya nag-ayo sa pila ka beses niyo nga pagpaubra sa
babaylan,” aha ni Budak. (26)
Subalit ang syudad ay hindi isang kaaya-ayang espasyo para
sa nanay ni Budak. Tulad ng baryo, ito ay napasok na rin ng “syudad” ng Tamawo.
Sa pananaw ng kanyang ina, ang ginawa ng mga tamawo sa “nababaliw” na kapatid
ni Budak ay ginawa rin nila kay Budak.
“Ay, yawa! Ngaa mas nakabalo ka pa sa amon haw?...
Sang nagkadto ka sa Cebu, wala ka natabuan didto? Mas mariit didto. Sa lima ka
tuig, ginkuha ka man sang mga tamawo sa amon kay sa pagbalik mo diri, may lain
ka na nga dala!” Singgit sang iya iloy samtang gapalamula ang iya guya.
Hinali nga gin-uyatan sang Iloy ang tiyan ni Budak.
“Ini, ano ining sulod sang tiyan mo? Ini timaaan nga natabuan ka man sa masiok
nga syudad. Damo ka man sang nasalapay nga tamawo didto. Amo ‘na nga ang Amay
sang bata mo, wala gid nagpakita kag indi namon makita. Wala ka gid naghalong
sa syudad, Budak.” (26)
Pero sa bandang huli, matapos makunan si Budak dahil sa
pagkakatulak sa kanya ng “baliw” na kapatid, nagdesisyon si Budak na bumalik sa
Cebu at harapin ang mga “tamawo” sa syudad na yaon. Iniwan ni Budak ang
Tubungan, isang baryo at espasyo na winasak ng syudad ng Cebu at ng hindi
nakikitang “syudad ng Tamawo.” Ang kanyang pagbabalik sa Cebu, sa kabila ng
dala-dalang kaalaman na ito ay “syudad rin ng Tamawo,” ay nagpapakita ng
pagtatagumpay ng syudad kontra sa tradisyunalismo at paatras na buhay ng baryo.
Ang pagtatagumpay ng banwa kontra sa baryo ay karaniwang
nakaangot sa mga institusyon tulad ng edukasyon, kalusugan, at sa teknolohiya.
Tinumba ng medtech na anak ni Auring sa
sugilanong “Pagbalik sa Tamarora” ang kanyang pangarap na bumalik sa Tamarora
sa pamamagitan ng opinyon ng doktor at gamot na kanyang iniinom, tinumba ang
baryo Tubungan sa “Ulubrahon” ng moderno at modernisadong deklarasyon ni Budak na produkto ng kanyang
paninirahan sa syudad ng Cebu kontra sa babaylanismo, at sa sugilanong
“Pinihakan,” ang konserbatibong pananaw ng baryo sa homosekswalidad ay
kailangang talikdan at hanapin sa ibang modernisadong lugar. (Iyon nga lang ang
pinapangarap puntahan na syudad sa Saudi Arabia ng pangunahing tauhang nars ay wala
ring garantiyahang bukas sa homosekswalidad.)
Tanging ang sugilanong “Ngipon” ang nagbigay ng solusyon
kung paano magtatagumpay ang baryo sa banwa. At ito ay sa pamamagitan ng
paggamit ng karahasan—ang pagtaga/pagmasaker sa mga tauhang impluwensyado ng
banwa. Sa sugilanon, kailangang patayin ni Sidoy ang mga magulang ng kanyang
nobya na si Arlene para mawala ang hadlang sa kanilang pag-iibigan. Ayaw ng mga
magulang ni Arlene na ipakasal ang kanilang anak na maestra sa isang magsasaka
lamang. Ngunit natuklasan rin ni Sidoy sa bandang huli na kahit si Arlene na
umiibig pa rin sa kanya ay nalamon na ng banwa. Sa mga taon na kanyang inilagi
sa banwa ng San Jose ay nalimutan na niya ang baryo at nahawa na rin siya sa
gawain ng banwa. Inireto siya sa isang lalaking tagabanwa at ‘di kalaunan ay
nabuntis. At para hindi tuluyang magtagumpay ang banwa, pinagtataga/minasaker din
ni Sidoy si Arlene at ang kanyang tiyahin na kasama niyang naninirahan sa San
Jose. Ginamit ni Sidoy ang itak/binangon bilang mapagpalayang teknolohiya ng
karahasan.
Halos lahat ng mga tauhan na naipit sa tunggalian ng baryo
at banwa ay humantong sa lungkot, kung hindi man pagtatanim ng galit sa kapwa
tao at sa lipunan. Si Auring sa “Pagpauli sa Tamarora,” ay kailangan munang
mamatay bago “makita” ang baryo ng Tamarora, si Budak sa “Ulubrahon” ay kailangang
iwan ang baryo at ang mga magulang para muling harapin ang syudad, si Sidoy sa
“Ngipon” ay kailangang pumatay at gamitin ang bundok—ang inakong espasyo ng mga
rebelde— para mailigtas ang baryo sa impluwensiya ng banwa, at si Vincent sa
“Pinihakan” ay kailangang iwan ang baryo kung saan nagdesisyong manatili ang
minahal na lalaking si Louie. Tanging ang sugilanong “Olayra” ang nagtapos kung
saan ang pangunahing tauhang si Olayra ay nagkaroon ng posibilidad ng kaligayahan.
Si Olayra sa sugilanong “Olayra” ay anak nina Minang at Akuy.
Misteryoso ang pagkabuntis at iba ang kulay ng balat, buhok, at mata ng anak ni
Minang kayat maaaring paniwalaan na may kinalaman ang mga tamawo sa kanyang
panganganak. Nang magdalaga na si Olayra ay nagkaroon ito ng kasintahang tamawo
na nangangalang Geraldo. Tutol ang mga magulang ni Olayra sa kanyang
pakikipagrelasyon sa tamawo kayat ipinakasal siya sa isang binatang
nangangalang Noli. Nagkaroon sila ng anak na si Natalia na kamukha ni Olayra at
sa kasalukuyan ay siya namang nililigawan ng tamawo. Para mahinto ang
pagkabaliw ng anak at tuluyang lubayan ito ng tamawong si Geraldo, sumama si
Olayra sa dating nobyo at namuhay sa syudad ng mga tamawo.
Kung ang kaligayahan ay ang kawalan ng kalungkutan,
masasabing hindi ito naranasan ng kahit isa man sa mga tauhan ni Darap maliban
kay Olayra. Ngunit si Olayra ay hindi buo ang katauhang mortal. Ang pagkuha sa
kanya ng tamawo ay nangangahulugan lamang ng pagbabalik sa kanyang pinanggalingan.
Ang mundo sa imahinasyon ni Darap ay espasyo ng kalungkutan
na dulot ng pakikipagtunggali ng baryo sa bayan, ng bayan sa baryo. Ito ay sa
dahilang, ayon kay Rolando Tolentino, ang tunggaliang ito ay nagdulot ng
sitifikasyon ng modernidad. Subalit itong proyekto ng pagpasok ng “kaunlaran”
sa baryo ay hindi naman talaga tumatalab dahil ang sentro (banwa/syudad) ay walang
sapat na kapangyarihan para bantayan ang baryo.
[P]aratihang aproximasyon ng sentro ang ginagawa sa
bayan (banwa), at paratihang aproximasyon ng bayan (banwa) ang ginagawa sa
kanayunan (kabaryuhan) Ang dobleng aproximasyon sa bukid (baryo) ang siyang espasyo
ng kawindangan ng nosyon ng kapangyarihan. Dahil wala ito sa mata o poder ng
kapangyarihan, may sariling artikulasyon at interpretasyon ang bukid (baryo) sa
bayan (banwa) at sa sentro. Kahit pa inaapi, maaari itong kumausap,
namamaang-maangan o tumaliwas sa namamayanging kalakaran. (Tolentino 2007, 232)
Kaya nga’t maaaring pagtatagain/masakerin ni Sidoy ang mga
alagad ng banwa at maibaling ang “krimen” sa mga rebeldeng nakatira sa bundok,
pawalang-halaga ni Budak at anak ni Auring ang ulubrahon ng mga babaylan at itanghal ang kagalingan ng doktor, iwan
ni Vincent ang Tubungan kung saan walang puwang ang "ikatlong kasarian," at itanghal ni Nanay Minang ang “ikatlong espasyo”—ang
syudad ng mga tamawo dahil sa pagkabaliw at pagkabuntis ng mga anak sa "tamawo." At maiakdang ang tanging kaligayahang makakamtan lamang ay
ang posibilidad ng syudad na ito.
Sa ganitong konstruksiyon ng sugilanon, tinumba ni Darap ang
mundo ng totoo (real) at iniangat ang mundo ng di-totoo. Si Darap ay masasabi
nang pumapasok sa pagsulat ng postmodernismo kung saan ang mga mundo at espasyo
ay nagtatagpo at sa bandang huli ay naitatanghal ang hindi makatotohanang
pananaw na lagpas sa abot ng pangangatwiran ng tao.
Sinangguni:
Tolentino, Rolando B. Sipat
at Kultura: Tungo sa Mapagpalayang Pagbabasa, Pag-aaral at
Pagtuturo ng Panitikan. Quezon City:
Ateneo de Manila University Press. 2007.