Pagnanasà at pagkagising: diskurso ng sekswalidad sa mga kuwento ni Sol A. Gadong
Ni John E. Barrios
“Norms create deviants.” Ito ang isa sa mga sinabi ni Michel
Foucault na may kinalaman sa kaayusang panlipunan. Sa kaso ng kasarian, ito ang
maaaring magbigay-kahulugan sa mga gawaing may kinalaman sa sekswalidad o
praktis angot sa napiling kasarian.
Ang mga kuwento ni Sol A. Gadong sa Nasà sa Dulo ng Dila (Kasing-kasing Press, 2015) ay
mapanubok na hakbang upang bulabugin ang konsepto ng “maayos”. Sa anim na
kuwento na nakasulat sa tatlong wika (Hiligaynon, Ingles, at Filipino) sa
koleksiyon, karaniwang maayos na nailalahad sa mga kuwento ang kumbensiyon na
kailangang sundin at igalaw ng mga tauhan. Ang mga tauhang hindi sumusunod at
nagtatangkang baguhin ang mga kumbensiyon ay karaniwang nasa tabi o kung hindi
man ay nagtatago. Ang pagsuway karaniwan ay diktado ng sarili—isang sariling
naghahanap ng indibidwalidad. Sa madaling salita, isang sariling iba sa
nakararami.
Sa kuwentong “Dungan sa Lanton” halimbawa, ang karakter ni
Sophie ay kailangan pang umalis ng Filipinas at pumuntang Amerika upang makita
ang kanyang sarili o ang pagiging tomboy. Ang Amerika ang nagpamukha sa kanya
ng kanyang sarili at ito rin ang nagbigay-lakas sa kanya para magsalita at
gawin ang gusto niyang gawin. Nahawa na lamang ang kanyang kaibigang si Tin.
Kung hindi pa inunahan ng balik-Pinas na si Sophie ang tigil-Pinas na si Tin ay
hindi pa maiaakda ang homosekswal na relasyon. At tulad ng mga konseptong
“feminismo,” “homosekswalidad,” “LGBT,” at iba pang may kinalaman sa pag-akda
ng sekswalidad, ang Amerika/Kanluran ang palaging “nagpapasiuna” at nagagaya na
lamang sa Filipinas. Ngunit wala nga bang ganitong kasarian sa ating bansa bago
dumating ang mga dayuhang Kastila at mapanakop na mga Amerikano?
Mula sa diksiyonaryong A
Study of Akeanon Grammar: Dictionary of Root Words and Derivations ni David
Zorc, et. al. (1969) ay mababasa ang salitang “asog” na ang katumbas sa Ingles
ay “tomboy”. Ginamit rin ni Francisco Alcina (2005) sa History of the Bisayan People in
the Philippine Island, ang salitang ito para tukuyin ang isang homosekswal
na lalaki. Kalaunan, tinukoy rin nito ang mga (lalaking) babaylan na kumalaban
sa mga Kastila. Ang “asog” ay pwedeng tumayong henerikong salita na humahakop
sa konsepto ng homosekswalidad sa parehong babae at lalaki.
Si Nagmalitong Yawa ng epiko ng Panay (sa Hinilawod ni F. Landa Jocano, 2000 at
2011) ay nagtataglay ng mga katangian ng asog. Siya ay parehong babaylan
(makapangyarihan) at binukot (itinagong
babae). Para tulungang makalaya mula sa pagkakabihag ng isang milyong masasamang
binukot ang kanyang magiging bana na si Humadapnon, siya ay nagpalit-anyo at
naging isang lalake at nagpakilalang Buyung Sunsumakay. Dahil dito nagawa
niyang buksan ang kuweba ng Tarangban at patayin ang isang milyong binukot
gamit lamang ang kanyang iwa (punyal).
Ang pag-ako niya ng katauhang pang-lalake ang nagbago sa kanya upang maging
isang asog.
Masasabing isa sa mga naging katangian ng sinaunang asog ay ang
pagiging matapang. Ang tapang na gawing iba ang sarili. Maging isang deviant. At ito ang ginawa ni
Jing/Jinggoy sa kuwentong “Nagakaangay nga Panapton” ni Gadong. Imbis na
magsuot ng bestida ay mas pinili niyang magsuot ng t-shirt at pantalon. Imbis
na magsuot ng sandalyas ay mas pinili niyang magsuot ng rubber shoes. Higit sa
lahat, imbis na makipagtalik sa lalaki ay mas pinili niya ang makipagtalik sa
babae. Ginawa niya ito sa kabila ng establisado at normatibong pananaw ng
lipunan—na laging ipinaaalala sa kanya ng kanyang nanay—tungkol sa tamang gawi
at gawain ng isang babae. Pero postmodernong posisyon nga lamang ang inaaku ng
texto ng kuwento. Ang “paglalantad” ni Jing/Jinggoy sa bandang huli ay nasa
sakop pa rin ng pribado at indibidwalisadong espasyo—ang kuwarto. Halos ganito
rin ang naging katapusan ng kuwentong “Tagpi-tagping Tala”. Ang karakter, kahit
na muling nakipagtagpo sa babaeng m(in)ahal matapos ang ilang taong
“paghihiwalay,” ay sa kuwarto pa rin nagkitang muli habang tini-text ang nanay
tungkol sa katatapos na seminar na isa lang namang alibi. Kayat kung panoptikon
ang silbi ng presensiya ng nanay (kahit ang koneksiyon ay selpon lamang),
masasabing makapangyarihan at makapangyayari pa rin ang (di nakikitang) “titig”
ng nanay.
Kung patuloy na nagtatago ang mga karakter na babae ni
Gadong paano kung gayon maipapaliwanag ang pagkakaroon ng mga karakter na
sumasama sa lalake matapos iwan ang mga naunang naging karelasyong mga babae sa
kuwentong “Kuwentong MRT”? O ang palagi na lang napuputol na relasyon sa bagong
magkakilalang dalawang babae na “nagpakaligaya” pa habang nasa eroplano sa
“Flight”? Kung hindi mailalantad ang relasyong babae sa babae, ito’y papalitan
ng babae sa lalaki o puputulin na lamang. Normatibo. Ang mamamayani pa rin ay
ang normal na panlipunang kaayusan. Ang homosekswalidad ay isa na lamang
istorbo na sa bandang huli ay maaari na lamang isantabi.
Sabi nga ni Foucault, “ang mga nagsasabi kung ano ang tamang
gawi at gawain ay makikita kahit saan. Tayo ay isang lipunan ng titser na
husgado, doktor na husgado, edukador na husgado, social worker na husgado.”
Kailangan kung ganoon na gamitin ni Gadong si Nagmalitong Yawa
mula sa epiko ng Panay para “paslangin” ang mga husgador sa
lipunan. Sa ganitong paraan lamang makakalaya at makakalabas ng pribadong
espasyo—ng kuwarto—sina Sophie, Tin, Jing, at iba pang tauhan sa mga kuwento ni
Gadong.
Ang mga kuwento ni Gadong ay maituturing na pang-iistorbo
upang gisingin ang kamalayang homosekswal. At hangga’t nagpapatuloy ang
heterosekswal na relasyon, ang pagtakas/pagputol sa imbitasyon ng
homosekswalidad, at ang indibidwalisasyon at pagiging pribado ng espasyo—ang
pananatili sa kuwarto—ng dalawang babaeng nagmamahalan sa mga kuwento ni
Gadong, malayo pa ang hinahangad na kamulatan ng lipunan.
Ang mga kuwento ni Gadong ay gising na, ngunit kailangan
pang maging mulat.
No comments:
Post a Comment