Thursday, April 11, 2013

Ang Posibilidad ng Maragtas


Ang “Maragtas” ay isang naratibo na maituturing na nasa gitna ng pagiging kasaysayan at alamat.  Sinulat ito ni Pedro Monteclaro, taga-Miago-ao, Iloilo, noong mga taong 1901-1902 at nilathala noong 1907. (Nagkaroon ng sumunod na edisyon noong 1927 at 1959 at nagawang ring isalin sa Ingles.) Nakapaloob sa “Maragtas” ang etnograpikong deskripsiyon ng pamumuhay at kultura ng mga Ati, ang naunang nanirahan sa isla ng Panay, at gayundin ng mga dumating sa isla na taga-Borneo sa pamumuno ni Datu Puti.  Bahagi din ng “Maragtas” ang naratibo ng pangyayari sa buhay ng pangunahing datu at kanilang mga asawa partikular na ang kina Sumakwel at Kapinangan/Aloyon at Datu Bangkaya at Katurong.  Sa huling bahagi rin ay ang lista ng mga naging pinuno ng mga banwa at ang mga naunang dumating na mga Kastila sa Isla.
Bilang naratibo, ang “Maragtas”  ay salaysay ng pagbili ng isla ng Panay ng mga Datu na tumakas mulang Borneo dahil sa kalupitan ni Sultan Makatunaw.  Ipinagpalit ng mga ati sa mga pangayaw ang buong isla (hindi kasama ang bundok at ilog?) sa isang gintong salakot at isang mahabang kuwintas.  Hinati ni Datu Sumakwel ang isla sa tatlong bahagi: Aklan, Ilong-ilong at Hamtik na pinapamunuan kina Datu Bangkaya, Datu Paiburong.  Ang sentro ay ang Hamtik kung saan siya ang namuno kasama ang iba pang datu na sina Padohinog, Lubay, Dumalogdog at Dumangsol.  Dito nabuo ang kinilalang Konfederasyon ng Madiaas, ang sulundanon sa pagpamuno at ang batas ng pamamalakad sa mga sinakupan.
Taong 1984 inilabas ni William H. Scott ang librong Prehispanic Source Materials for the Study of Philippine Prehistory kung saan gumawa siya ng kritika ng “Maragtas.”  Kontensyon ng sulat ni Scott na walang rason na pagdudahan ang autentisidad ng pangyayari kaya lang ay walang maiharap na nakasulat na ebidensya na magpapatunay sa pagiging tama ng mga taon at ng mga pangyayari dahil nga marami nang nabura/naidagdag sa paglipat-lipat ng pasalitang salaysay.  Sa proyektong ito ay sinikap ni Scott na hanapin ang mga ebidensya sa mga naunang pangkasaysayang teksto at inamin niya na ang mga pangalan (tao, lugar atbp.) ay matatagpuan sa Bisayas at Mindanao, sa mga epiko at kuwentong bayan.  Isang dokumento rin ang nagturo kung saan ibinase (o kinopya kaya?) ni Monteclaro ang isang naratibo sa “Maragtas”.  Ang annotated na kopya ng Historia de los primeros datos que procedentes de borneo poblaron estas eslas ni Padre Tomas Santaren na marahil ay nalathala noong 1850s. (Sa Intro ni Monteclaro inamin naman niya na meron siyang pinaghanguang dalawang dokumento na mahirap nang basahin na hindi nga lang niya nabanggit kung ano o sino ang sumulat.)  Pinabulaanan ni Scott ang “confederation” at “code” sa Maragtas dahil ang mga ito ay hindi mapapatunayan ng mga dokumentong pangkasaysayan.  Meron pa ngang pagdududa si Scott na falsifikado ang mga nasabing dokumento.
Ang Relaccion ni Miguel de Loarca ay sinulat noong 17th dantaon at naglalarawan ng mga mito, paniniwala at tradisyon ng mga katutubong Bisayano.  Nakalahad dito ang pinanggalingan ng kanilang lahi (sinasabing sa reed na nahati at kung saan lumabas ang unang babae at lalaki), ang kanilang (mga) diyos na may iba’t ibang pangalan (Macaptan, Sipada, Lalahon), ang unang umimbento ng pangingisda, unang magnanakaw, unang kalaguyo, iba’t ibang lahi sa Pilipinas, giyera atbp.  Nakalahad din ang mga paniniwala tungkol sa patay, sa kabilang buhay (tinawag nga lang na Infierno ni Loarca), paglamay, pagsasakripisyo, paghihiganti at ang mga ritwal na nakaangot dito na siyang idinadaos ng babaylan.  May sinasabi rin tungkol sa batas kaya lang hindi masyadong naipaliwanag kung ano-ano ang mga ito.
Ilang maaaring ikonsiderang gamit ng Relaccion sa isyu ng autentisidad ng “Maragtas” na siyang naging paksain ni Scott:
1.    Ang ilang mga salitang matatagpuan sa sulat ni Loarca (‘Mayas’ para sa ‘Madyaas’ halimbawa) ay mapaghahanguan ng patunay ng katotohanan ng naratibong sinulat ni Monteclaro.
2.    Ang mga paniniwala at ritwal na nabanggit sa Relaccion ay may hawig sa “Maragtas.” (hal. Nariyan pareho ang babaylan na isinakatauhan ni Bangotbanwa, Mangindalon, Soliman, Sorasia at Soli-an.)
3.    Na mayroong tinatawag na “Arayas” na hawig sa “Confederation.”
4.    May batas ding naipanukala at pinapasunod sa mga nasasakupan.
5.    Ang paniniwala tungkol sa paghihiganti sa pinatay na kaanak.

Monday, April 8, 2013

Si Balagtas bilang Talinghaga




Sinabi ng Pambansang Alagad ng Sining na si Dr. Bienvenido Lumbera na isa sa mga pangunahing elemento ng ating katutubong pagtula ang talinghaga.  Hindi ito nawala sa kabila ng malakas na impluwensya ng didaktisismo ng panulaang Kastila.  Sa katunayan, higit na pinaigting ni Balagtas ang paggamit nito sa kanyang mga tula.  Patunay ang kanonikal na Florante at Laura sa pagiging mabisang sangkap ng katutubong talinghaga sa pagtula.

Marami sa mga talinghagang ipinaloob ni Balagtas sa kanyang akdang Florante ay binasa ng mga Pilipino bilang mga politikal na teksto.  Nagpaalab ito ng damdaming maka-nasyunalismo sa puso nina Rizal, Bonifacio, Mabini at iba pang mamamayang Pilipino.  Naging salamin ito ng mga pangyayari sa ating lipunan at nagsilbing giya ng ating mga manunulat at historyador sa pag-akda ng pambansang kasaysayan. 

Sa kasalukuyan, isa pa rin sa mga nabubuong tanong sa isipan ng mga guro at estudyante ang kahalagahan ng pagbasa at pag-aaral sa mga akda ni Balagtas.  May kahalagahan pa nga ba ang pagdiskubre sa mga talinghaga sa tula ni Balagtas sa panahon ng selfon at kompyuter?  May kinalaman ba ang mga talinghagang ito sa araw-araw na pakikipag-text, pakikipag-chat at pagsu-surf sa internet? Ang sagot dito ay “oo.”  Oo, nasa panahon pa si Balagtas.  Hangga’t may pag-ibig na (puma)pasok sa puso ninuman at may mga taong hahamakin ang lahat (para ito ay) masunod lamang, at sa mga text messages ito ay naitutula naman; hangga’t ang mga pangyayari sa loob at labas ng bayang sawi ay naiti-tweet at naiipost sa facebook sa makaluma o makabagong taludturan, si Balagtas ay mahalaga pa sa ating pag-akda ng bayan.

Si Balagtas ay maituturing na isang talinghaga at hindi pa nagtatapos ang paghahanap sa kanya sa kasalukuyang panitikan.  Nagpapatuloy itong paghahanap dahil nagpapatuloy pa rin ang pagsulat ng mga akdang pampanitikan.