Sunday, October 19, 2014

Kasal




 "Subukan  mo lang. At saka huwag ka na ring  magpapakita  sa akin."
Klaro  pa  rin sa isipan ni Jojo ang sinabi ng  kanyang  matalik na kaibigan kahit malabo na ang kanyang paningin na nakapako sa babaing sumasayaw na  kanina  lamang ay kanyang pinansin dahil sa  malalaki nitong suso.  Nahihirapan na rin siyang ma-appreciate ang dalawang bilog ng babae na umuuylog-uylog sa umiikot na kolor ng ilaw ng  disko­han.  Hinahabol ang kanyang isip ng paparating na kasal ng  matalik na kaibigang si Albert.  Ilang beses na niyang sinabi sa kanyang kaibigan na  kung puwede ay hindi siya dadalo.  Ilang  beses  na niya 'tong sinabi pero talagang gusto ni Albert na naroon siya sa kasal  kahit hindi siya mag-bestman.  Paano niya  ipapaliwanag  kay Albert  ang rason kung bakit hindi siya makadalo?  Paano  niya ipapaliwanag sa kanyang kaibigan na malaki ang mababago sa  kanya kung dadalo siya sa kasal?  At paano naman niya iintindihin  ang nararamdaman ni Albert kung hindi siya makadalo?  Siya na kanyang matalik na kaibigan hindi dadalo sa kanyang kasal!


Masyadong  malaki  ang problemang kinakaharap ni  Jojo.   Alam niya hindi  ito kayang solbahin ng bote ng beer  pero  kailangan niyang uminom.   Wala siyang mabibigay na  solusyon  sa  kanyang problema.  Noong isang araw lamang nag-open sa kanya si  Albert. Umiyak  sa kanya si Albert.  Sa isip niya, kahit hindi ginawa  ni Albert 'yon alam pa rin niya. 
Alam  ni Jojo na hindi gusto ni Albert ang  mga  nangyayari.  Biktima lamang siya.  Biktima lamang siya ng bulag na pag-ibig ng kanyang  nobya.  Noong nakaraang araw lamang sinabi sa  kanya  ni Albert  na  sinabi ng nanay ng kanyang nobya na naaawa  siya  kay Albert.   Matalino  daw si Albert at sayang kung  papakasal  siya kaagad sa kanyang anak na si Cheryl.  Mataas pa sana ang  maaabot ni  Albert.  Isa pa, andoon na siya sa Austria at  nagtatatrabaho bilang isang nars.
Alam ni Jojo na may mga pangarap pa si Albert.  Gusto niyang makatulong  sa  pag-aaral ng kanyang  dalawang  nakababatang kapatid na parehong  nasa kolehiyo.  Gusto niyang makapagpatayo ng bahay  na puwede niyang tawaging talagang kanya.  Gusto muna niyang  mamuhay mag-isa.  Kung matutupad na niya 'to ay puwede  na  siyang mag-asawa.  Lahat 'to ay nagiba dahil sa kanyang nobya.
At noong nakaraang araw lang din sinabi ni Albert kung bakit pumayag  siyang magpakasal sa kanyang nobya:  ginilit ni  Cheryl ang  kanyang  kaliwang pulso.  Hindi naman  nagmakaawa  ang   mga magulang ni Cheryl na pakasalan  ni Albert ang kanilang anak pero nang malaman niya ang ginawa ni Cheryl, alam niyang 'yon ay hindi na  dapat maulit.  Kailangan niyang isakripisyo ang  kanyang  mga pangarap  sa  buhay.   Maliban pa, halos sobra  na  sa  isandaang libong  piso ang naubos ni Cheryl sa  long-distance at  sulat  na halos  araw-araw niyang ginagawa.  Nagagalit na rin ang  kan­yang  mga magulang dahil dito.  Alam ni Jojo na hindi masaya  ang kanyang  kaibigan.  Ang pag-ibig nito kay Cheryl ay napalitan  na ng pagkahabag.
Alam ko na ang aking hindi pagdalo sa kasal ni Albert ay makakapagdagdag ng lungkot sa kanyang nararamdaman.  Halos pareho kaming  dalawa ng pangarap sa buhay.    Siguro may kasalanan  din ako.   Nasabi ko kasi noon na sila talagang dalawa ni Cheryl  ang magkakatuluyan  sa  huli.  Tama ako.  Halos lahat yata  ng  aking sabihin  ay nangyayari.  Nagkamali nga lang ang oras.   Pero  ano ang aking magagawa, nangyari na.  Kailangan kong dumalo sa  kasal magigiba ang aming pinagsamahan ni Albert. Pero natatakot akong dumalo sa kasal.
“Ginunting mo na naman ang mga tela sa loob ng aparador,” sigaw ng kapatid na lalaki ni Jojo.  Si Anton ang kanyang nakatatandang kapatid na palaging sumasaway at nagbabawal sa halos lahat ng kanyang ginagawa. At ang paligi ring nag-uutos sa kanya.  Noong gumawa siya ng tarak-tarak mula sa lata ay pinagsabihan siyang baka ang gagawin niya ay maglaro na lang nang maglaro.  Hindi alam ng kapatid niya na dahil sa mga laruang iyon siya ay natutong humabi  ng  mga  kuwento. Noong gumawa siya ng  upuang  kahoy  sa kanilang bakuran giniba din ng kanyang kapatid.  Istorbo lang daw at  saka  wala namang pakinabang.  Nagtataka siya  kung  ano  ang makabuluhan para sa kanyang kapatid.  Nawalan si Jojo ng  tahimik na  lugar kung saan puwede siyang magbasa ng libro.  At  pati  na ang kanyang pagtatahi ng mga sari-saring kulay at desinyo ng damit  hindi din nagtagal.  Lahat halos ng kanyang gustong  gawin ay hindi natutupad dahil sa kanyang kapatid.
Naubos  na ni Jojo ang pangatlong bote at nawala na  rin  sa kanyang  isip ang kapatid niyang si Anton - pero hindi ang  kasal ng kanyang matalik na kaibigan.
"Isang  bote pa nga," sabi niya sa weyter.  Sumindi siya  ng sigarilyo.  Sa kanyang pagbuga ng usok napansin niya ang  mahimoy at tuwid na paglabas ng usok.  Nakaramdam siya ng kakaibang saya habang nakatingin  dito.   Sa  pagpaimbulog ng usok  at  tuluyan nitong pagkawala,  tumambad  sa  kanyang paningin  ang  babaing kanyang tinitigan kanina dahil sa malalaki nitong suso.
Si Mabelle malaki rin ang suso.  Malaki namang talaga kahit noong hindi ko pa nahahawakan.  Sabi nila lumalaki daw ang  suso ng babae kung palaging hinawawakan ng kanilang nobyo.   Para  sa akin genetic ang rason dito - o baka naman sa ginagawa din nilang paghihimas  dito  habang iniisip nila ang ginagawa sa  kanila ng kanilang nobyo.  Pero isang beses ko lang namang nahimas ang  suso ni Mabelle.  Paano nang sumunod na araw split na kami.
            Ito  ang mahirap intindihin kay Jojo. Takot siya sa  seryo­song relasyon. Kung tatanungin naman siya ng kanyang nobya  kung ano  ang kanyang problema hindi naman nagsasabi.  Kung  sasabihin daw niya malaki ang mababago sa kanya at baka hindi na niya  siya muli pang makita.  Para  kay Jojo ang buhay sa mundo ay pagsusuot  ng sari-saring maskara.  Isang maskara sa bawat taong kanyang kakaharapin.  Hindi siya naintindihan ng kanyang nobya.  Kung  tatanungin siya bakit ganoon, bibigyan niya ng maraming sagot.  Halimbawa  sasabihin niyang dahil noong bata pa daw siya ay  naranasan niyang  magtinda  ng dyaryo, na hindi siya umakyat  sa  entablado para  tanggapin  ang  kanyang diploma dahil  wala  siyang  bagong damit,  na nagagalit siya sa tuwing makakarinig ng iyak ng  sang­gol, na noong nagha-hayskul siya ay naiinis sa tuwing  makakakita ng buntis na babae - sinasabi niyang parang mga butete, na  gusto niyang  walang  nakikialam  sa kanya kung ano  ang gusto  niyang gawin,  na hindi niya gustong makipagkilala sa kanyang mga  kamag-anak, na gusto niyang mamuhay na siya lamang mag-isa sa isang bahay para magawa niya ang gusto niyang gawin.
"Ito  na hong order n’yo, Sir,"  pinutol ng weyter ang  kan­yang pag-iisip.
"Thank you," sagot ni Jojo.
Ang  dance floor ay bigla na lang napuno ng mga  nagsasayaw.  Ang  tumutugtog  ay  ang bagong hit na  kantang  "Dying  Inside."  Ininom ni Jojo ang bagong bigay ng weyter.  Dire-diretso.
Mga  gago  siguro ang mga sumasayaw na 'to.   Malungkot  ang kanta  pero  tumatawa.   Siguro hindi  nakakaintindi  ng  Ingles.  Shit! Shit! Shit!  Dadalo ba ako sa kasal ni Albert?  Gago,  gago kang talaga, Jo.  Gago ka.  Mamili ka, mawala ang iyong  kaibigan o ang iyong sarili.
"Weyter,"  tawag ni Jojo.  "Dagdagan mo pa nga  ng  dalawang bote tapos kuwentahin mo na rin kung magkano ang babayaran ko."
Hindi sanay sa inom si Jojo kayat nang maubos niya ang ika-anim na bote ramdam na niya ang tama ng kanyang ininom.   Pagtayo niya,  napahawak siya sa katabing mesa.  "S-sori," sabi  niya  sa dalawang babae na hindi naman siya pinansin.  Sakay ng  traysikel na  kanyang inarkilahan sa malapit na sinehan, mga tatlong  kalye mula  sa diskuhan, naramdaman niyang may  kumukutkot  sa kanyang tiyan. "B-bilis-bilisan mo, Nong, medyo susuka 'ata  ako." Nakaabot  din siya sa kanyang bahay bago niya isinerbing muli  sa inidoro ang kinain nila ni Albert na spaghetti sa Smokey's.
Sayang Tol.  Sayang lang ang ginastos mo sa akin.  Dito  rin lang pala mapupunta.  Ha, ha, ha!  Gago talaga ako.  Bakit pa ako nangako  sa  'yong  dadalo ako sa iyong kasal bukas  na  alam  ko namang  hindi ko magagawa.  At bakit hindi ko masabi-sabi sa  iyo ang rason kung bakit hindi ako makadalo.  Bakit takot ka sa iyong sarili, Jo?
"Bakit!"  sigaw ni Jojo sabay suntok ng dingding  ng  banyo.  Tinitigan  niya  ang  kanyang hitsura sa salamin.   Galit  siya  sa kanyang  hitsura.   Hinawakan niya ang  kanyang  buhok.   Hinila. Ginulo.

Mataas  na ang araw nang magising si Jojo.  Alas otso.   Ang kasal ni Albert ay alas otso.  "Shit,"  ang unang salita mula  sa bibig niya pagkatapos makita ang oras sa relo.  "Ahh," sabay piga ng  kanyang noo.  Andiyan pa rin ang epekto ng  anim na  bote  ng beer.   Dali-dali  siyang  bumangon.  Hinubad  ang  sapatos,  ang salawal,  ang  kanyang briefs, at ang kanyang relo.   Nagtapis  ng tuwalya at dumiretso ng banyo.
Matagal nang nakapag-umpisa ang kasal nang dumating si Jojo sa simbahan.   Sa kanyang pagmamadali hindi niya napansing sa  gilid pala  siya dumaan  kung saan  maraming  makakapansin  sa  kanya. Sinisi  niya ang kanyang sarili sa kapalpakang ito.   Sa  bandang unahan  ay  may  lumingong lalaki  at  napatingin  sa  kanya.  Ngumiti ang lalaki.  Si Andrew, kaibigan ni Albert na  taga-Iloi­lo.   Inaya siya ni Andrew na tumabi sa kanya.  Napilitan  siyang humakbang  papunta kay Andrew.  Ramdam niya ang mga matang  tumi­tingin  sa kanya habang tinatawid niya ang pasilyo  ng  simbahan.  Nakayuko  siya habang walang tigil ang pagpisil-pisil sa kanyang  mga daliri. 
            "Kanina  pa  ba?" tanong niya kay Andrew na medyo  wala  rin palang ibang kakilala sa kasal.  Pawang mga respetadong tao  ang nasa loob ng simbahan.  Limampu lahat ang mga ninong at ninang. Kuwarenta  ang pili ng pamilya ni Cheryl.  Merong abogado,  isang judge,  gobernador at mga negosyante.  Grande ang preparasyon  ng kasal.
"Madali  na lang matapos," sagot sa kanya sa  Hiligaynon  ni Andrew.   Hindi  umimik si Jojo.  Sinisi niya naman  ang  kanyang sarili  kung  bakit  de-kolor na polo ang  kanyang  sinuot.   Sa kanyang  pakiramdam parang siya lamang ang may naiibang damit  sa loob  ng simbahan.  Nang bumaling siya sa kaliwa nakita niya  ang mga  kalalakihang nakaputi ng polo, long sleeves -- pati  na  ang katabi ni Andrew.  Napansin rin niya na halos lahat ng mga  babae ay  nakaputing  damit, simple at  walang  masyadong  dekorasyon ngunit  alam niyang medyo may kamahalan ang tela.   Sa  pagbaling niya  sa kanan, nakita niya ang limang babaing parehong may  pay­pay.  Ang  galaw ng kanilang pagpaypay ay halos  sabay  at iisang direksiyon.  Unti-unting  tumulo  ang  pawis  ni  Jojo.  Bumilis  nang  bumilis  ang pagpisil-pisil niya  ng  kanyang  mga daliri.  Nag-umpisa siyang magpalagtok ng kanyang mga daliri.
Sinabi  ko  na kay  Albert na huwag na niya  akong  piliting dumalo.   Shit!   Andito na naman siya.   Nangangatok  na  naman.  God, Jo fight it out.  Kunin mo ang iyong espada at lumaban.   Oo ang  matalim kong espada.  Kailangan ko na ang aking  matalim  na espada.
"Albert, tinatanggap mo bang maging kabiyak  ng  iyong puso  si Cheryl?" bumasag sa pandinig ni Jojo ang tanong  ng pari.  Bigla siyang napasigaw, "Hindi!"  Napatingin sa direksiyon ng  tinig  ang mga tao.  Butil-butil na pawis  ang  nag-uumpisang tumulo mula sa noo ni Jojo.  "Hindi," ang mahina at pahapo niyang sabi  uli.   Napataas ang ulo ng pari at ang  mga  ikinakasal  ay napalingon kay Jojo.  Halos hindi  makapani­wala si Jojo sa kanyang nakita.  Halos humalik ang kanyang  tuhod sa  sahig.  Bigla siyang nanginig.  Ang pari ay walang iba  kundi ang kanyang kapatid na si Anton na nakangisi sa kanya at ang  mga ikinakasal ay ang kanyang dating nobyang si Mabelle at ang matalik niyang kaibigang si Albert.  Napatingin siya sa mga tao sa paligid.  Pakiramdam niya’y parang humuhugong ang kanyang taenga sa kanilang pananahimik.  Parang kumukupos siyang lobo sa kanilang mga inosenteng titig.  Naliligo na ng pawis si Jojo.  “Jojo,” ang narinig niyang boses mula sa altar, hindi niya alam kung kanino.  “Hindi ako lalapit sa inyo, hindi!” sigaw niya sabay takbo palabas ng simbahan.                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                            
Halos  pugain  niya ang kanyang lakas  sa  pagtakbo.   Gusto niyang sa madaling panahon ay makalayo siya.  Limang kalye na ang kanyang nalampasan sa pagtakbo pero hindi pa siya humihinto.   Sa kanyang  isip, siya ay hinahabol ng kanyang kapatid na si  Anton, ni Albert, ni Mabelle...nila.
Hindi,  hindi  ninyo ako maaabutan.  Hindi  ako  paaabot  sa inyo.   Kailangan  kong manalo.  Kailangan ko ang  aking  isipan.  Hindi  ninyo  ako matatalo.  Ako pa rin ang  magdadala  ng  aking sarili.  Hindi ninyo ako madedektahan.
At  sa kanyang walang tigil na pagtakbo nakita niya sa  kan­yang isipan ang galit na si Anton.  Nakita niya kung paano  tina­pakan ni Anton ang kanyang ginawang tarak-tarak na lata.   Nakita niya  kung  paano sinadol ni Anton ang kanyang  itinanim  na  mga bulaklak.  Nakita niya kung paano pinalakol ni Anton ang  kanyang ginawang  upuang  kahoy.  Nakita niya ang pagpunit  ni  Anton  ng kanyang  tinahing damit.  At nakita niya si Mabelle at ang  Daddy nito  na  nagsisimba.  Nakita niya silang kumakain  sa  Smokey's. Nakita niya si Mabelle na tumatawa.  At nakita rin niya si Albert na  nagsusukat ng kanyang ternong pangkasal. Tinanong siya  nito, "Jo, kelan ka magpapakasal?"
"J-Jo,  ke-ke-kelan ka-ka mag-pa-pa-kasal," nasabi  niya  na parang wala sa sarili.  Humina ang kanyang pagtakbo.   Nakawalong kalye na siya mula sa simbahan.  May nakita siyang bakod na  gawa sa bakal.  Huminto siya.  Napahawak siya dito.  Humihingal siyang napatingala.  Nabigla siya sa kanyang nakita.  Isang taong  naka­damit  puti na nakasakay sa puting kabayo.  May hawak na  baril sa  kanang kamay.  Si Gen. Francisco del  Castillo,  ang  naging heneral  ng rebolusyon laban sa mga Kastila sa Aklan.   Nakatitig sa  kanya.  Parang gusto niyang tumakbo ngunit  wala  na  siyang lakas.  Hindi na niya kaya.  "Huwag, huwag kang lalapit sa akin," ang  mahina  niyang sabi.  Liningo-lingo niya  ang  kanyang  ulo, mabilis  na paglingo-lingo.  Napaluhod siya, at napayuko.   At  halos  hindi na niya namalayan  ang  pagbitaw  ng kanyang  mga  kamay sa bakod bakal na.  Napadapa  siya  sa  lupa. Matagal.    Sa kanyang pagbalikid nakita niya ang maitim  na  mga ulap  sa  langit.  Parang napakabigat ng mga ito sa kanyang  mga mata.
Ang tulo ng ulan ay nakapagpangiti sa kanya at pilit  siyang bumangon mula sa matagal niyang pagkakahiga sa lupa.

Wednesday, October 15, 2014

Ending


Kung panalo ay ganito ang mangyayari...
Maaga pa’y andiyan na sa aming kapitbahay si Ima na aming labandera.  Naghihintay ng mga nagpapapusta sa ending.  Sa pakaliwa at pakanang kumpas ng kanyang dalawang kamay at walang tigil na pagbuka ng kanyang bibig ay naikuwento niya sa aming kapitbahay ang kanyang panaginip.  Dalawang malalaking numero na nakasulat sa pisara: 1 at 7.  Ang una raw ay boto para kay Loi Ejercito at ang pangalawa ay kay Joker Arroyo.
Ngayong araw ay makakatanggap siya ng P100 sa amin.  Hindi pa nga siya nakapagsimulang maglaba kinuha na niya ang kanyang suhol para ipusta sa ending.  Rumble ang kanyang pinustahan.  Kahit anong numero ang unang lumabas.  Sa P50 mong pusta ay tatama ka ng P20,000.  Ganito kalaki ang kanyang tiwala sa kanyang panaginip.
Matapos ang isang araw na kuskos-piga ng aming damit ay umuwi siyang nakangiti.  Kinupit pa niya ang tinapay sa ref.  Para raw sa kanyang bana.  Hindi siya nakabili ng bigas. Hindi rin siya nakabili ng ulam.  Pero makikita sa kanyang ngiti na may darating na kasaganaan.
Aba at nagkatotoo.  Kinagabihan ay lumabas ang kanyang dalawang numero.  Agad-agad na sinundo niya ang aming kapitbahay at pinuntahan nila ang nagpapapusta.  At sa bangkahan ay nakuha niya ang kanyang napanalunan.
Matapos niyang bigyan ng balato ang aming kapitbahay at ang nagpapapusta ay bumili siya ng litson manok at liempo at wonder bread at isang litrong coca-cola.  Dumating siya sa kanilang bahay na wala pa ang kanyang bana.  Siguro ay andoon na naman sa kabilang tindahan at umiinom.
Dali-dali niyang inilagay sa kanilang maliit na mesa ang kanyang biniling mga pagkain.  Umupo siya para maghintay.  Nakita niya ang natitira pang kandila na ginamit noong isang araw na may brown out.  Sinindihan niya ito at inilagay sa mesa.  Pinatay niya ang ilaw na bombilya.
Hindi nagtagal at dumating ang kanyang banang si Guido.  Medyo nakainom ng kaunti.  Pero sa halip na sigaw ang marinig ay pagkamangha ang nakita sa mukha ng bana.  Tumayo siya at walang pag-aalinlangang nagsabi, “na-na-o a-o a en-ing.”  Napangiti ang kanyang bana at umupo.  Ang bana pa niya ang nagsabing kumain na sila.
Habang kumakain ay nagtanong ang kanyang bana kung magkano ang kanyang napanalunan. “En-e il,” sagot niya.  Malaking pera sabi ng kanyang bana.  Binilisan ng kanyang bana ang pagsubo.  Sinundan niya ang bilis ng pagsubo ng bana.  Napatawa sa kanya ang kanyang bana.  Naubos nilang dalawa ang litson manok at liempo.  Ang tunog ng dighay ng kanyang bana pagkatapos malagok ang coca-cola ay lubos na nagpaligaya kay Ima.
Pagkatapos inumin ni Guido ang tubig ay tumayo ito at hinawakan sa kanang kamay si Ima.  At niyaya niya si Ima papasok sa nakurtinahan nilang kuwarto.

Doon lamang nalaman ni Ima ang kahulugan ng kanyang pagiging totoong bana.
Ito ang kuwento ni Ima noong nanalo siya sa ending.



Kung talo ay ganito ang mangyayari...
Maaga pa’y andiyan na sa aming kapitbahay si Ima na aming labandera.  Naghihintay ng mga nagpapapusta sa ending.  Sa pakaliwa at pakanang kumpas ng kanyang dalawang kamay at walang tigil na pagbuka ng kanyang bibig ay naikuwento niya sa aming kapitbahay ang kanyang panaginip.  Dalawang malalaking numero na nakasulat sa pisara: 1 at 7.  Ang una raw ay boto para kay Loi Ejercito at ang pangalawa ay kay Joker Arroyo.
Ngayong araw ay makakatanggap siya ng P100 sa amin.  Hindi pa nga siya nakapagsimulang maglaba kinuha na niya ang kanyang suhol para ipusta sa ending.  Rumble ang kanyang pinustahan.  Kahit anong numero ang unang lumabas.  Sa P50 mong pusta ay tatama ka ng P20,000.  Ganito kalaki ang kanyang tiwala sa kanyang panaginip.
Matapos ang isang araw na kuskos-piga ng aming damit ay umuwi na si Ima.  Ramdam ng kanyang likod ang sakit na bigay ng isang araw na trabaho.  Habang naglalakad pauwi sa kanilang bahay ay nakita niya ang mga batang may bitbit na plastik na may lamang bigas.  Naalala niya na wala na silang bigas.  Pero wala siyang pambili.  Ang kanyang suhol sa paglalabada ay ipinusta niyang lahat sa ending.
Nadagdagan pa ang kanyang pananamlay pagdating sa kanila.  Umupo siya at namintana.  Pakagat na ang gabi.  Nakita niya sa kabilang bahay ang tinitsismis sa buong barangay na anak ng konsehal.  Nakikipaghalikan sa balkonahe.  May mga batang naninilip sa magnobyo.  Humahagikhik.
Naalala niya noong naglalakad sila ni Guido sa tabing-dagat.  Ganito ring oras.  Pareho silang walang tsinelas.  Hinahagisan siya ng tuyong dahon ni Guido.  Halos hindi mapatid-patid ang kanyang pagtawa.
Ilang sandali pa at may bumagsak sa bubong ng kanilang kapitbahay.  Napahinto ang paghahalikan ng magnobyo.  Nagtakbuhan ang mga bata.  Napatayo mula sa pagkakaupo si Ima.  Humakbang pakusina.
Matapos niyang halughugin ang mga kaldero at malamang wala talaga siyang maihahain sa kanyang bana ay halos mapaluha siya.  Muli niyang sinisi ang kanyang sarili kung bakit nadala siya sa paniniwala.  Kung bakit naniwala siya sa sabi ng kanyang panaginip.  At kasabay niyon ang kanyang pagkarinig ng mga hakbang sa hagdan ng kanyang bana.
Sa malakas na sigaw ni Guido ay napalabas mula sa kusina si Ima.  Nagtaka din ang kanyang bana nang makita siyang humihingos at kinukuskos-kuskos ang bestida.  “Anong nangyari sa ‘yo?” tanong ng medyo lasing na bana.   “A-a,” mahina niyang sagot.  “Maghain ka nga ng makakain,” sabay upo.  Hindi kaagad nakagalaw si Ima.  Napatitig sa kanya ang kanyang bana.  Napabilis ang pagtulo ng kanyang mga luha.  Humagulgol si Ima.
Tumayo si Guido at lumapit sa kanya.  Umatras siya at napahinto sa tabi ng pintuan pakusina.  Nakita ni Guido ang mga bukas at walang lamang kaldero.  Doon naintindihan ni Guido na wala na naman siyang makakain.
“Belaaat i nanang...,” palingo-lingong sabi ni Guido kasabay ng paghablot ng buhok ni Ima.    Napasigaw si Ima.  Hinila siya ni Guido sa loob ng kuwarto.
At matapos na maubos ang galit ni Guido nalaman ni Ima ang kahulugan ng kanyang pagiging totoong bana.
Ito ang kuwento ni Ima noong siya’y matalo sa ending.  Kilala rin sa iba sa pangalang Santisima.


Sa pagitan ng panalo at talo...
Maaga pa’y andiyan na sa aming kapitbahay si Ima na aming labandera.  Naghihintay ng mga nagpapapusta sa ending.  Sa pakaliwa at pakanang kumpas ng kanyang dalawang kamay at walang tigil na pagbuka ng kanyang bibig ay naikuwento niya sa aming kapitbahay ang kanyang panaginip.  Dalawang malalaking numero na nakasulat sa pisara: 1 at 7.  Ang una raw ay boto para kay Loi Ejercito at ang pangalawa ay kay Joker Arroyo.
Ngayong araw ay makakatanggap siya ng P100 sa amin.  Hindi pa nga siya nakapagsimulang maglaba kinuha na niya ang kanyang suhol para ipusta sa ending.  Rumble ang kanyang pinustahan.  Kahit anong numero ang unang lumabas.  Sa P50 mong pusta ay tatama ka ng P20,000.  Ganito kalaki ang kanyang tiwala sa kanyang panaginip.
Matapos ang isang araw na kuskos-piga ng aming damit ay umuwi na si Ima.  Kinupit pa niya ang tinapay sa ref.  Para raw sa kanyang bana.  Wala siyang pambili ng bigas at ulam.  Pero okey naman ang kanyang paghingi ng Racumen.  May gumuhit na ngiti sa kanyang bibig nang sinabing para raw sa daga sa kanilang bahay.
Matamlay na medyo malakas ang katawan ni Ima nang siya’y umuwi.  Sabi pa nga ng aming kapitbahay, sinayawan niya pa ang mga batang nangutya sa kanya ng “Apa! Apa!”  Siya pa nga raw ang unang nagsalita kay Linda tungkol sa kanyang utang.  Sinabi niya sa mukhang-pera na ihahatid niya ang bayad sa kabuuang utang sa susunod na araw.
Ang pinagtakhan lang daw ni Linda ay ang walang tigil na pagsalop ng kanyang kamay ng bigas sa kanyang bigasan.  Tawa nang tawa habang ibinubuhos sa kanyang paningin ang bigas.  Tinanong daw siya ni Linda kung uutang siya uli ngunit hindi naman raw sumagot.  Tawa nang tawa lang daw.  Pero meron daw siyang itinaas na nakabalot.  Walang ideya si Linda kung ano ang laman noon.
Nakita rin daw siya ng anak ng konsehal na namintana noong gabing yaon.  Hindi nga lang niya masabi kung gaano katagal.  Meron din daw kasi siyang ginagawa.  Siyempre alam na rin ng buong barangay kung ano ang kanyang ginagawa.
Hindi rin daw lasing si Guido noong umuwi sabi ng may-ari ng tindahan sa kabilang bahay.  Lumagok lang ng isang basong tuba at nakinig sa kuwento ng kanyang mga kabarkada sa inuman.  May lupot daw siya dahil sa kinaing talaba noong nakaraang araw.
Sabi naman ng isa sa kanyang mga kabarkada sa inuman ay medyo nagbago daw si Guido noong hapong iyon.  Tumulong lang daw siya sa pagbubuhat ng mga upuan sa ipinatatayong bagong simbahan ng protestanti at malaki na ang nagbago sa kanya.  Kung hindi pa raw nila siya pinilit na uminom ay hindi pa iinom.
May pusong natutulog nang mahimbing daw si Guido sabi ng pastor ng simbahan.  Kung hindi daw dahil sa demonyo marahil ay napabalik niya pa sa poder ng Ginoo ang mag-bana.  Nakumbinsi niya raw si Guido na magsimba sa kanilang simbahan sa darating na linggo.  Eh aanhin natin dahil wala na tayong magagawa, sabi niya.  Kung oras na talaga e, di oras na.
Sa pag-imbistiga ng isang konsehal ay halos hindi raw siya makapaniwala sa kanyang nakita.  Magkahawak-kamay pa raw sila nang mamatay.  Na parang walang away na nangyari sa pagitan ng dalawa.
Wala naman talagang narinig na sigaw o lagabog ang mga kapit-bahay.  Ang ipinagtataka lang nila ay kung bakit bukas pa ang ilaw kahit malalim na ang gabi.  At ganoon na pala ang nangyari.
Sumikat pa ang pag-iibigan kaysa sa pagpapakamatay sa balita sa radyo.  Sabi ng isang komentarista dapat daw na hangaan ang kanilang ginawa dahil ano pa nga ba ang dapat gawin sa gitna ng krisis sa ekonomiya.  At sa ganitong nagkakagulo rin lang ang ating gobyerno dahil sila-sila rin lang ang mga nagnanakaw ng kuwarta ng taumbayan.
Napatawa at napaluha si Ima sa mga pangyayaring ito.  Alam niya na malayo sa dulo ng kanyang mga daliri ang kanyang mga iniisip.  Pero sa kanyang pag-iisip ay wala na siyang ibang maisip.  Habang patuloy ang kanyang pagkuskos-piga ng mga labahan kanina ay pabalik-balik sa kanyang isipan ang kanyang ginagawa ngayon.  At walang pagmamadaling ibinudbod niya sa sandwich ang lason na para sa daga.
Tumayo siya at kumuha ng platito sa kusina.  Inilagay ang sandwich sa platito at inilapag ang platito sa bahagi ng mesa kung saan umuupo ang kanyang bana.  Tinabunan pa niya ito ng isang pinggan.  Ilang sandali pa at narinig niya ang mga hakbang ng bana sa hagdan.
Hindi natinag mula sa pagkakaupo si Ima sa malakas na sigaw ni Guido.  Napangiti ang bana nang makita siya.  Alam niyang lasing na naman ito.  Diretso sa pag-upo at pagbukas ng natatabunang pagkain si Guido.  Pagkakita sa sandwich ay kaagad tinitigan si Ima.  “Ito lang ang ating hapunan?”  Wala siyang sagot na nakuha kay Ima.  Hindi nagbago ang ekspresyon sa mukha ni Ima.  Andiyan lang siya at blangkong nakatitig sa bana.
“Belaaat i-nanang...,” sabay tayo at wasiwas ng kamay si Guido.  Ang unang kamao ay tumama sa tainga ni Ima.  Natulig siya.  Hindi na niya narinig ang tinig ng bana sa pangalawang kamao na nagpadilim ng kanyang paningin.
Sa pagbukas ng mata ng araw ay nakita na lang ni Ima ang banang nakahiga sa sahig.  May bula sa bibig.  Hindi na gumagalaw.  Napangiti si Ima.  Napasigaw siya.  Napasayaw siya.  At ngayon ay makikita na namin si Ima na aming dating labandera na walang tigil na tumatakbo sa kalsada ng barangay.
Ito ang posibling maging kuwento ni Ima habang hindi pa natatapos ang laro ng PBA at hindi pa natin alam kung anong numero ang lalabas sa ending.