Tuesday, October 14, 2014

Engkant(aw)o



 Nasa fourth year college na ako noon nang dinala kami ng aming propesor sa History sa Isla Higantes, isang isla na malayo sa lunsod ng Iloilo.  Hangarin naming magreserts tungkol sa politika, ekonomiya at kultura ng isla.  Ang kursong iyon ay Methods in Research, tungkol sa pamamaraan ng pag-alam ng kasaysayan ng isang lugar.  Importanting malaman namin kung paano ang magtanong, sino ang tatanungin, at kung paano isusulat ang mga nakalap na impormasyon.

Dapithapon na nang dumating kami sa isla dahil medyo mahaba ang biyahe sa dagat.  Isa pa, isang bangka lang ang nagbibiyahe.  Alas dose ang iskedyul ng alis sa pantalan.  Sobra sa dalawang oras ang biyahe.  Pagdating sa isla ay nilakad pa namin ang mulang daungan papuntang bahay ng baryo kapitan.  Mga alas singko na kami nakapagsimulang mag-interbyu.  Kailangang matapos namin ang aming gawain sa loob ng dalawang oras dahil babalik din kami sa Iloilo sa susunod na araw.
Na-asayn ako at ang aking kasamang babae sa topikong mito, alamat at paniniwala ng mga taga-isla.  Ako ang naging tagapagtanong at ang kasama ko naman ang naging tagapagsulat.  Hawak-hawak ko sa kaliwang kamay ang isang tape recorder.
Pangalawang interbyu namin ang taong ito.  Ibinigay niya ang kanyang pangalan.  Juan Inosanto, sitenta i dos anyos, dating mangingisda pero nagbabarbero na ngayon---itinuro pa nga niya sa amin ang kanyang barber shop sa unahan.  Taga-Escalante, Negros Occidental siya pero 19 na taon nang nakatira sa isla.
Ayon sa kanya, at ayon din sa kuwento ng mga matatanda, meron daw silang naririnig na malalaking yabag sa buhanginan, kasama ng tunog ng hila-hilang kadena.  Meron daw kasing isang napakalaking kabaong sa isang kuweba sa isla.
Maraming kuweba sa isla kaya nagtanong ako kung ano ang makikita sa loob ng mga kuwebang ito.  Siya rin daw ay namamangha dahil sa lahat ng lugar na napuntahan niya dito lang sa isang kuweba sa islang ito siya nakakita ng malaking pawikan na may nakasunod na mga anak---at sa isang linya lang!  Meron din daw isang piyano sa isang kuweba.
Itinuro niya ang bundok na parang tinapyas ng tabak ng higante ang hitsura.  Batuhing bundok.  Iyan ang lunsod ng mga engkanto sabi niya.  Sabay kagat ng hintuturong daliri.  “Bolebard” ang tawag ng mga tao sa itaas na bahagi---nakikita raw kung minsan na maraming ilaw at maririnig din ang tunog ng mga sasakyan.  Ang ibabang parte ay “pader” raw ng siyudad.

May isang tao na labas-pasok sa lunsod ng engkanto. Katiwala raw nila ang nasabing tao.  May susi siya sa pintuan ng kanilang lunsod.  Siya rin ang tagabantay ng lunsod.  Pinagbabawalan niya ang mga taong mamutol ng mga punongkahoy dahil meron daw nakatira.  Ang lahat ng punongkahoy na may marka ng kanyang pangalan sa ilalim ng bundok ay bahay ng engkanto.  Kaya lang patay na siya.  Inilibing siya ng mga tao malapit sa tinatawag nilang “pintuan” ng lunsod.
Tinanong ko siya kung anong hitsura ng isang engkanto. Pareho rin daw sa atin ang kanilang hitsura.  Nakikihalubilo din sila sa mga tao:  namimiyesta, pumupunta sa eskwelahan, nanininda.  Pero makikilala mo raw sila kung titignan mong mabuti ang ilalim na bahagi ng kanilang ilong.  Walang kanal.
Walang engkantong iliterit sabi niya.  Pumupunta rin sila sa paaralan at nakikinig sa mga guro.  Inulit pa niya ang pagsabi ng “walang engkantong iliterit.”  Hindi ko alam kung bakit kailangan niyang ulitin ang kanyang sinabi.  Kailangan talaga niyang ipaintindi iyon.  Nahalata ko ang pag-iba ng tono ng kanyang boses.
Isinalaysay niya kapagdaka na noon raw ay maraming naging buang sa kanilang isla.  Niligawan daw ng mga engkanto.  Karamihan daw ay mga mababait at tahimik.  At dahil bago pa lang sila ng nanay niya sa isla, sa kanila ibinunton ang sisi.  Itinali sila sa isang itinayong kawayan at pinalibutan ng mga gatung.  Susunugin na raw sana sila nang dumating ang baryo kapitan at pumagitna sa mga tao.  Nakumbinsi ng baryo kapitan na hindi sila mga engkanto.
Pagkatapos niya ng pagsasalaysay ay ibinaba niya ang kanyang kanang kamay na kanina pa nakatabon sa kanyang bibig.  At sa aking pagkabigla nakita ko sa natitirang liwanag ng araw ang ilalim na bahagi ng kanyang ilong---walang kanal!
Pero hindi ako nagpahalatang tinubuan ako ng takot.  Ipinagpatuloy ko ang pagtatanong.  At tinanong ko ang aking kasama na walang kaalam-alam dahil sa patuloy na pagsusulat sa notebook kung meron pa siyang tanong para sa aming iniinterbyu.  Wala na rin daw.  Nagpasalamat kami sa kanya dahil sa kanyang ibinigay na mga impormasyon pero hindi ko na iniabot ang aking kamay.  Sa aming pagtalikod at paghakbang palayo tinanong ko ang aking kasama kung meron siyang napansing kakaiba sa taong aming napagtanungan.  Wala rin daw.  Liningon ko ang taong iyon at sa aking pagkagulat wala na akong nakita.  Dali-dali akong humakbang pabalik at hinanap ko ang sinasabi niyang barber shop.  Walang barber shop.  Nagtanong ako sa aking nakasalubong na isang tao kung may kilala siyang Juan Inosanto.  Walang Juan Inosanto na nakatira sa Isla Higante.
Hindi ako nakatulog nang sumapit ang gabi.  Nag-iinuman ang aking mga kaklase sa labas at andoon ako sa isang kuwarto at nakasandal sa isang dingding.  Ang kaba sa aking dibdib ay tumatakbo.  Marami na akong naisip na posibleng mangyari sa gabing yaon nang bigla kong naalala ang sinabi ni Juan Inosanto---ang engkanto.  Na hindi na raw magpapakita ulit ang isang engkanto kapag ikinuwento mo sa iba na may nagpakita sa iyo.  At dali-dali akong tumayo at lumabas ng kuwarto.  Tinawag ko ang aking kaparehang babae at ikinuwento sa kanya ang aking nakitang engkanto.
Naging mahimbing ang aking tulog nang gabing yaon.

No comments:

Post a Comment