Wednesday, October 15, 2014

Ending


Kung panalo ay ganito ang mangyayari...
Maaga pa’y andiyan na sa aming kapitbahay si Ima na aming labandera.  Naghihintay ng mga nagpapapusta sa ending.  Sa pakaliwa at pakanang kumpas ng kanyang dalawang kamay at walang tigil na pagbuka ng kanyang bibig ay naikuwento niya sa aming kapitbahay ang kanyang panaginip.  Dalawang malalaking numero na nakasulat sa pisara: 1 at 7.  Ang una raw ay boto para kay Loi Ejercito at ang pangalawa ay kay Joker Arroyo.
Ngayong araw ay makakatanggap siya ng P100 sa amin.  Hindi pa nga siya nakapagsimulang maglaba kinuha na niya ang kanyang suhol para ipusta sa ending.  Rumble ang kanyang pinustahan.  Kahit anong numero ang unang lumabas.  Sa P50 mong pusta ay tatama ka ng P20,000.  Ganito kalaki ang kanyang tiwala sa kanyang panaginip.
Matapos ang isang araw na kuskos-piga ng aming damit ay umuwi siyang nakangiti.  Kinupit pa niya ang tinapay sa ref.  Para raw sa kanyang bana.  Hindi siya nakabili ng bigas. Hindi rin siya nakabili ng ulam.  Pero makikita sa kanyang ngiti na may darating na kasaganaan.
Aba at nagkatotoo.  Kinagabihan ay lumabas ang kanyang dalawang numero.  Agad-agad na sinundo niya ang aming kapitbahay at pinuntahan nila ang nagpapapusta.  At sa bangkahan ay nakuha niya ang kanyang napanalunan.
Matapos niyang bigyan ng balato ang aming kapitbahay at ang nagpapapusta ay bumili siya ng litson manok at liempo at wonder bread at isang litrong coca-cola.  Dumating siya sa kanilang bahay na wala pa ang kanyang bana.  Siguro ay andoon na naman sa kabilang tindahan at umiinom.
Dali-dali niyang inilagay sa kanilang maliit na mesa ang kanyang biniling mga pagkain.  Umupo siya para maghintay.  Nakita niya ang natitira pang kandila na ginamit noong isang araw na may brown out.  Sinindihan niya ito at inilagay sa mesa.  Pinatay niya ang ilaw na bombilya.
Hindi nagtagal at dumating ang kanyang banang si Guido.  Medyo nakainom ng kaunti.  Pero sa halip na sigaw ang marinig ay pagkamangha ang nakita sa mukha ng bana.  Tumayo siya at walang pag-aalinlangang nagsabi, “na-na-o a-o a en-ing.”  Napangiti ang kanyang bana at umupo.  Ang bana pa niya ang nagsabing kumain na sila.
Habang kumakain ay nagtanong ang kanyang bana kung magkano ang kanyang napanalunan. “En-e il,” sagot niya.  Malaking pera sabi ng kanyang bana.  Binilisan ng kanyang bana ang pagsubo.  Sinundan niya ang bilis ng pagsubo ng bana.  Napatawa sa kanya ang kanyang bana.  Naubos nilang dalawa ang litson manok at liempo.  Ang tunog ng dighay ng kanyang bana pagkatapos malagok ang coca-cola ay lubos na nagpaligaya kay Ima.
Pagkatapos inumin ni Guido ang tubig ay tumayo ito at hinawakan sa kanang kamay si Ima.  At niyaya niya si Ima papasok sa nakurtinahan nilang kuwarto.

Doon lamang nalaman ni Ima ang kahulugan ng kanyang pagiging totoong bana.
Ito ang kuwento ni Ima noong nanalo siya sa ending.



Kung talo ay ganito ang mangyayari...
Maaga pa’y andiyan na sa aming kapitbahay si Ima na aming labandera.  Naghihintay ng mga nagpapapusta sa ending.  Sa pakaliwa at pakanang kumpas ng kanyang dalawang kamay at walang tigil na pagbuka ng kanyang bibig ay naikuwento niya sa aming kapitbahay ang kanyang panaginip.  Dalawang malalaking numero na nakasulat sa pisara: 1 at 7.  Ang una raw ay boto para kay Loi Ejercito at ang pangalawa ay kay Joker Arroyo.
Ngayong araw ay makakatanggap siya ng P100 sa amin.  Hindi pa nga siya nakapagsimulang maglaba kinuha na niya ang kanyang suhol para ipusta sa ending.  Rumble ang kanyang pinustahan.  Kahit anong numero ang unang lumabas.  Sa P50 mong pusta ay tatama ka ng P20,000.  Ganito kalaki ang kanyang tiwala sa kanyang panaginip.
Matapos ang isang araw na kuskos-piga ng aming damit ay umuwi na si Ima.  Ramdam ng kanyang likod ang sakit na bigay ng isang araw na trabaho.  Habang naglalakad pauwi sa kanilang bahay ay nakita niya ang mga batang may bitbit na plastik na may lamang bigas.  Naalala niya na wala na silang bigas.  Pero wala siyang pambili.  Ang kanyang suhol sa paglalabada ay ipinusta niyang lahat sa ending.
Nadagdagan pa ang kanyang pananamlay pagdating sa kanila.  Umupo siya at namintana.  Pakagat na ang gabi.  Nakita niya sa kabilang bahay ang tinitsismis sa buong barangay na anak ng konsehal.  Nakikipaghalikan sa balkonahe.  May mga batang naninilip sa magnobyo.  Humahagikhik.
Naalala niya noong naglalakad sila ni Guido sa tabing-dagat.  Ganito ring oras.  Pareho silang walang tsinelas.  Hinahagisan siya ng tuyong dahon ni Guido.  Halos hindi mapatid-patid ang kanyang pagtawa.
Ilang sandali pa at may bumagsak sa bubong ng kanilang kapitbahay.  Napahinto ang paghahalikan ng magnobyo.  Nagtakbuhan ang mga bata.  Napatayo mula sa pagkakaupo si Ima.  Humakbang pakusina.
Matapos niyang halughugin ang mga kaldero at malamang wala talaga siyang maihahain sa kanyang bana ay halos mapaluha siya.  Muli niyang sinisi ang kanyang sarili kung bakit nadala siya sa paniniwala.  Kung bakit naniwala siya sa sabi ng kanyang panaginip.  At kasabay niyon ang kanyang pagkarinig ng mga hakbang sa hagdan ng kanyang bana.
Sa malakas na sigaw ni Guido ay napalabas mula sa kusina si Ima.  Nagtaka din ang kanyang bana nang makita siyang humihingos at kinukuskos-kuskos ang bestida.  “Anong nangyari sa ‘yo?” tanong ng medyo lasing na bana.   “A-a,” mahina niyang sagot.  “Maghain ka nga ng makakain,” sabay upo.  Hindi kaagad nakagalaw si Ima.  Napatitig sa kanya ang kanyang bana.  Napabilis ang pagtulo ng kanyang mga luha.  Humagulgol si Ima.
Tumayo si Guido at lumapit sa kanya.  Umatras siya at napahinto sa tabi ng pintuan pakusina.  Nakita ni Guido ang mga bukas at walang lamang kaldero.  Doon naintindihan ni Guido na wala na naman siyang makakain.
“Belaaat i nanang...,” palingo-lingong sabi ni Guido kasabay ng paghablot ng buhok ni Ima.    Napasigaw si Ima.  Hinila siya ni Guido sa loob ng kuwarto.
At matapos na maubos ang galit ni Guido nalaman ni Ima ang kahulugan ng kanyang pagiging totoong bana.
Ito ang kuwento ni Ima noong siya’y matalo sa ending.  Kilala rin sa iba sa pangalang Santisima.


Sa pagitan ng panalo at talo...
Maaga pa’y andiyan na sa aming kapitbahay si Ima na aming labandera.  Naghihintay ng mga nagpapapusta sa ending.  Sa pakaliwa at pakanang kumpas ng kanyang dalawang kamay at walang tigil na pagbuka ng kanyang bibig ay naikuwento niya sa aming kapitbahay ang kanyang panaginip.  Dalawang malalaking numero na nakasulat sa pisara: 1 at 7.  Ang una raw ay boto para kay Loi Ejercito at ang pangalawa ay kay Joker Arroyo.
Ngayong araw ay makakatanggap siya ng P100 sa amin.  Hindi pa nga siya nakapagsimulang maglaba kinuha na niya ang kanyang suhol para ipusta sa ending.  Rumble ang kanyang pinustahan.  Kahit anong numero ang unang lumabas.  Sa P50 mong pusta ay tatama ka ng P20,000.  Ganito kalaki ang kanyang tiwala sa kanyang panaginip.
Matapos ang isang araw na kuskos-piga ng aming damit ay umuwi na si Ima.  Kinupit pa niya ang tinapay sa ref.  Para raw sa kanyang bana.  Wala siyang pambili ng bigas at ulam.  Pero okey naman ang kanyang paghingi ng Racumen.  May gumuhit na ngiti sa kanyang bibig nang sinabing para raw sa daga sa kanilang bahay.
Matamlay na medyo malakas ang katawan ni Ima nang siya’y umuwi.  Sabi pa nga ng aming kapitbahay, sinayawan niya pa ang mga batang nangutya sa kanya ng “Apa! Apa!”  Siya pa nga raw ang unang nagsalita kay Linda tungkol sa kanyang utang.  Sinabi niya sa mukhang-pera na ihahatid niya ang bayad sa kabuuang utang sa susunod na araw.
Ang pinagtakhan lang daw ni Linda ay ang walang tigil na pagsalop ng kanyang kamay ng bigas sa kanyang bigasan.  Tawa nang tawa habang ibinubuhos sa kanyang paningin ang bigas.  Tinanong daw siya ni Linda kung uutang siya uli ngunit hindi naman raw sumagot.  Tawa nang tawa lang daw.  Pero meron daw siyang itinaas na nakabalot.  Walang ideya si Linda kung ano ang laman noon.
Nakita rin daw siya ng anak ng konsehal na namintana noong gabing yaon.  Hindi nga lang niya masabi kung gaano katagal.  Meron din daw kasi siyang ginagawa.  Siyempre alam na rin ng buong barangay kung ano ang kanyang ginagawa.
Hindi rin daw lasing si Guido noong umuwi sabi ng may-ari ng tindahan sa kabilang bahay.  Lumagok lang ng isang basong tuba at nakinig sa kuwento ng kanyang mga kabarkada sa inuman.  May lupot daw siya dahil sa kinaing talaba noong nakaraang araw.
Sabi naman ng isa sa kanyang mga kabarkada sa inuman ay medyo nagbago daw si Guido noong hapong iyon.  Tumulong lang daw siya sa pagbubuhat ng mga upuan sa ipinatatayong bagong simbahan ng protestanti at malaki na ang nagbago sa kanya.  Kung hindi pa raw nila siya pinilit na uminom ay hindi pa iinom.
May pusong natutulog nang mahimbing daw si Guido sabi ng pastor ng simbahan.  Kung hindi daw dahil sa demonyo marahil ay napabalik niya pa sa poder ng Ginoo ang mag-bana.  Nakumbinsi niya raw si Guido na magsimba sa kanilang simbahan sa darating na linggo.  Eh aanhin natin dahil wala na tayong magagawa, sabi niya.  Kung oras na talaga e, di oras na.
Sa pag-imbistiga ng isang konsehal ay halos hindi raw siya makapaniwala sa kanyang nakita.  Magkahawak-kamay pa raw sila nang mamatay.  Na parang walang away na nangyari sa pagitan ng dalawa.
Wala naman talagang narinig na sigaw o lagabog ang mga kapit-bahay.  Ang ipinagtataka lang nila ay kung bakit bukas pa ang ilaw kahit malalim na ang gabi.  At ganoon na pala ang nangyari.
Sumikat pa ang pag-iibigan kaysa sa pagpapakamatay sa balita sa radyo.  Sabi ng isang komentarista dapat daw na hangaan ang kanilang ginawa dahil ano pa nga ba ang dapat gawin sa gitna ng krisis sa ekonomiya.  At sa ganitong nagkakagulo rin lang ang ating gobyerno dahil sila-sila rin lang ang mga nagnanakaw ng kuwarta ng taumbayan.
Napatawa at napaluha si Ima sa mga pangyayaring ito.  Alam niya na malayo sa dulo ng kanyang mga daliri ang kanyang mga iniisip.  Pero sa kanyang pag-iisip ay wala na siyang ibang maisip.  Habang patuloy ang kanyang pagkuskos-piga ng mga labahan kanina ay pabalik-balik sa kanyang isipan ang kanyang ginagawa ngayon.  At walang pagmamadaling ibinudbod niya sa sandwich ang lason na para sa daga.
Tumayo siya at kumuha ng platito sa kusina.  Inilagay ang sandwich sa platito at inilapag ang platito sa bahagi ng mesa kung saan umuupo ang kanyang bana.  Tinabunan pa niya ito ng isang pinggan.  Ilang sandali pa at narinig niya ang mga hakbang ng bana sa hagdan.
Hindi natinag mula sa pagkakaupo si Ima sa malakas na sigaw ni Guido.  Napangiti ang bana nang makita siya.  Alam niyang lasing na naman ito.  Diretso sa pag-upo at pagbukas ng natatabunang pagkain si Guido.  Pagkakita sa sandwich ay kaagad tinitigan si Ima.  “Ito lang ang ating hapunan?”  Wala siyang sagot na nakuha kay Ima.  Hindi nagbago ang ekspresyon sa mukha ni Ima.  Andiyan lang siya at blangkong nakatitig sa bana.
“Belaaat i-nanang...,” sabay tayo at wasiwas ng kamay si Guido.  Ang unang kamao ay tumama sa tainga ni Ima.  Natulig siya.  Hindi na niya narinig ang tinig ng bana sa pangalawang kamao na nagpadilim ng kanyang paningin.
Sa pagbukas ng mata ng araw ay nakita na lang ni Ima ang banang nakahiga sa sahig.  May bula sa bibig.  Hindi na gumagalaw.  Napangiti si Ima.  Napasigaw siya.  Napasayaw siya.  At ngayon ay makikita na namin si Ima na aming dating labandera na walang tigil na tumatakbo sa kalsada ng barangay.
Ito ang posibling maging kuwento ni Ima habang hindi pa natatapos ang laro ng PBA at hindi pa natin alam kung anong numero ang lalabas sa ending.

2 comments:

  1. Wynn Las Vegas Hotel and Casino | Dr. McD Companies
    Wynn Las Vegas 오산 출장안마 offers guests a serene and 사천 출장샵 upscale 경산 출장마사지 atmosphere with 군산 출장안마 an elegant ambiance reminiscent of Las Vegas. The curved facade of 대전광역 출장샵 the hotel

    ReplyDelete