Friday, March 14, 2014

Si Balagtas ay hindi Tagalog






Si Balagtas ay hindi Tagalog.  Lumagpas na ang pagkakakilanlan kay Balagtas bilang bahagi ng limitadong espasyo ng Katagalugan.  Nakarating at nakapanirahan na siya sa puso’t isipan ng mga mamamayan mula sa mga isla ng Batanes hanggang mga isla ng Jolo.  Si Balagtas ay bahagi na ng pambansang imahinasyon.  Si Balagtas ay naging isa nang Pilipino.



At ang Florante at Laura  ay hindi akdang Tagalog.  Marami na ang dinaanan nitong “muling pagsulat” (re-writing) mula sa mga mambabasa, kritiko, at guro ng panitikan sa iba’t ibang rehiyon.  Sa katunayan, ang akdang ito ni Balagtas ay maituturing nang isang akda na “sinulat” ng isang Pilipino.  Mababasa rito ang ating nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap.  Mababasa rito ang mga simbolo na tumatayo sa mga api at patuloy na umaapi sa mga “Florante”, “Laura”, “Aladin”, at “Floreda” ng bansa.   Mababasa rito ang panahon ng Kastila, Amerikano, Hapon, Martial Law; ang bansa sa ilalim ni Tita Cory, Ramos, Erap, GMA, ang kasalukuyang gobyerno ni P-Noy, at ang hinaharap ng lahat ng Pilipino.  Inakda tayo ng tula ni Balagtas at inakda rin natin ang tula ni Balagtas.



Ang pagdiriwang ng Araw ni Balagtas ay hindi lang tungkol kay Balagtas.  Ito, higit sa lahat, ay pagdiriwang natin bilang mga kasalukuyang Balagtas—ang tagaakda at inaakda ng tula para sa walang kamatayang pambansang adhika.

1 comment: