Isang esensyal na laman ng naratibo ng “epiko” o sugidanon ang pakikipagsapalaran o paglalakbay. Maaari itong tumukoy sa paglalakbay ng bayani para maghanap ng mapapangasawa o ang paglalakbay ng kaalaman papunta sa ibang panahon at espasyo. Sa una, naaakda ang mga katangiang pangkasarian, pang-relasyon at pang-komunidad tulad ng dadaanang labanan ng lalaki, bilang ng aasawahin at pagbubunyi sa kanyang mga pagtatagumpay na karaniwang nagtatapos sa kasalan o pyesta. Sa pangalawa naman ay ang pagtatanghal ng materyal na kultura ng isang komunidad. Sa pagkakalarawan nga ni William Scott (1994):
... (or) betel nut. The datu’s followers turn the ground as bloody as a battlefield with their spittle, demigods chew bonga of pure gold, ladies make their appearance preparing quids for their menfolk and serving them ceremoniously, and lovers seal their commitment by exchanging them partially masticated. (101)
Hindi lang kung ganoon dapat itutok ang pagbasa ng sugidanon sa bida o mga bida. Mas mahalagang pagtuunan ng pansin ang konstrak ng kultura mula rito. Ang patuloy na pakikinig at pagbabasa ng “epiko” ay itinuturing na paraan ng pagturo at paglipat ng pamana ng lahi.
Ang ganitong pananaw ay mas pinalawak pa ni Rolando Tolentino (2007). Maliban sa pagkilala sa epiko bilang “ritual sa katutubong buhay” at pagiging “repositoryo ng kolektibong panlipunang alaala” ito rin ay maaaring sabayang humakop ng iba’t ibang panahon. “Inilalahad ng epiko ang pinagmulan, pinanggalingan, pinagdaanan ng komunidad, at maging ang patutunguhan nito” (57). Dito na maaaring tignan ang epiko bilang naratibo ng paglalakbay. Ayon sa kanya,
[n]aglalakbay ang epiko sa tatlong antas---una, sa antas ng paglalahad ng laman ng epiko, ang paglalakbay ng epikong bayani; ikalawa, sa antas ng analogous na paglalakbay ng bayani sa mamamayan at komunidad, bilang kolektibong kwento at kasaysayan ng lugar; at ikatlo, sa antas ng pagtatanghal ng epiko para sa kasalukuyang manonood, bilang walang kadudadudang pagtunghay sa kanilang alaala. (Ibid.)
Sa unang antas ng paglalakbay ay maipapakilala ng sugidanon ang pekulyaridad ng mga pangalan at katangian ng bayaning Panayanon. Sa ikalawang antas ay higit na maisasalugar ang partikularidad at ispesipisidad ng kasaysayan at kultura ng taga-Panay na dala-dala ng bayani. Sa ikatlo naman ay ang asersyon ng pagiging isang lahi---ng Sulod, Panayanon, Bukidnon, o Ilonggo. Ayon pa nga kay Tolentino, ito ang magiging “metanaratibo ng rehiyon, ang paglulugar sa grupo ng mamamayan , at ang pagpopook nito sa diwa ng pagkamamamayan” (58).
Ang pagbasa at pag-aaral ng sugidanon kung gayon ay hindi lang pagtuytoy ng kasaysayan ng transformasyon mula sa pasalita nitong anyo tungo sa pasulat, ito rin ay isang paglalakbay sa kasaysayan at pag-akda ng hinaharap ng komunidad na lumikha ng panitikan na itinuturing na magtutulay sa paniniwala at pang-araw-araw na gawain ng mga tao.
(Note: Ang larawan ay kuha sa ginanap na 22nd Conference on West Visayan History and Culture sa Oton, Iloilo nitong Nobyembre 17-18, 2011.)