Tuesday, November 22, 2011

Bayan sa panahon ng Amerikano sa Ilaw sa Hilaga ni Lazaro Francisco


Ang nobelang Ilaw sa Hilaga ay sinulat noong 1930s ngunit ang kapanahunan inilalarawan ay 1920s. Ito ang panahong nauso ang negosyong transportasyon (bus) na hinawakan at pinamumuhunan halos ng mga Amerikano. Ito ang panahon na minimal na lang ang mga labanan sa pagitan ng rebolusyonaryong Pilipino at hukbong Amerikano. Panahon ng ‘Peace Time.’ Sa katunayan, hindi na nababanggit sa nobela ang mga labanan pang nangyayari maliban sa trace nito sa isang tauhan na siyang amain ng pangunahing tauhan na kinilala sa tawag na ‘Si Heneral’ dahil nakapaglingkod sa dalawang rebolusyon, ang laban sa Kastila at sa Amerikano. Ito rin ang panahon na inilagak ang batas Tydings-McDuffie na nagbibigay sa mga Amerikano ng karapatang mamuhunan at magnegosyo sa bansa.

Sa nobela, ang pangunahing karakter na si Javier Santos/Rei Vajt Ossan ay kinalaban ang namumuhunang Amerikanong si Hansen sa kanilang bayan ng San Carlos. Ang Amerikano ay suportado ng lokal na aristokrasiya. Ang pakikipagsabayan niya sa negosyo ay nauwi sa kalugian. Sinunog niya ang ari-arian at naglaho sa bayan para lamang bumalik sa isang bagong katauhan ala Simoun sa El Fili ni Jose Rizal. Tinumba niya ang lahat ng negosyong dayuhan, kasama na ang mga bodegerong Intsik, at sinimulan ang planong panggigipit sa mga kababayan hanggang sa mga ito ay magising at matutong magkaisa para labanan ang puhunang dayuhan. Nagtagumpay si Javier sa kanyang hangad na pag-ibayuhin ang kaisipan at damdaming makabayan ng mga taga-San Carlos.

Ang San Carlos bilang Pook

Ang San Carlos ay isang fiksyonal na bayan na sinasabing malapit lamang sa Maynila (magagawang lakbayin papunta-pabalik sa loob ng isang araw). Ito ay may malapit na pisikal, ekonomikal at ideolohikal na relasyon sa Maynila---ang Sentro. Nasa Maynila ang bangko at ang pamunuang pang-gobyerno. Ang tagasagisag na ‘bus’ ang araw-araw na nakakapaglikha ng kahulugang ito.

Bilang pook na hiwalay (kahit hindi din) sa Maynila, ang San Carlos ay tagatanggap at tagasunod sa mga ekonomiko at politikal na praktis mula sa Sentro. Ang pagpasok ng puhunang Amerikano sa San Carlos ay resulta at aktwasyon ng batas Tydings-McDuffie na konektado rin sa ‘benevolent assimilation’ at ‘white mens’ burden’ na prinsipyo ng bagong kolonisador na Amerikano. Ang presensya ng anak at tagapagmana ng matandang Hansen sa bahay ng pinakamayamang aristokrat sa bayan ay taga-akda ng bagong hirarkiya: ang Amerikano ang sa pinakamataas, sunod ang aristokrato at ang sa pinakaibaba ay ang mga manggagawa at magsasaka.

Bilang pook, at dahil na rin sa pagpasok ng impluwensyang Amerikano, ang kultural na arketipo ng San Carlos ay nagbago. Ang San Carlos ay naging lunan ng pakikipagnegosasyon sa parehong wika at kultura ng mga katutubong Pilipino. Ayon nga kay Javier, sa kaniyang pakikipag-usap sa batang Hansen:

Nagkaroon kami, Ginoong Hanzen, ng dalawang uri ng kabihasnan: ang kabihasnang pamana ng aming ninuno, at ang kabihasnang inihatid dito ng mga dayuhan! Salit na ginagamit namin ang bihisang sarili at ang bihisang dayuhan upang ipakilala lamang na natuto kaming mabuhay sa dalawang uri ng kabaihasnang iyan.

Kahit na sa paggamit ng wika (ang wika Ingles ang naging wika ni Javier sa pakikipagtalastasan kay Hanzen) ang katutubo ay kailangang mag-aral at matuto ng wikang dayuhan para hindi lang maintindihan ang kausap ngunit pati na ang kakausaping nakararami na inaasahan g makakaintindi rin ng wikang banyaga.

dito’y kailangang manghiram ng wikang dayuhan upang magkasundo ang lahat sa isang wikang pambansa at pampamahalaan! Makalilibong masarap sa amin ang mapailalim kaming lahat sa wikang banyaga kaysa masabing sinahis ng Tagalog ang Ilokano, ang Bisaya, ang Bikol, ang Kapampangan, at iba pa, o iyon kaya ng alin man sa mga ito!

Ang San Carlos bilang pook ay naging paitlogan (hatchery) ng kultural na paghalo-halo, ng panggagaya at ng pangongopya. Nariyang kopyahin ni Javier ang Simoun ni Rizal sa El Fili, o ang pagkadayuhan mismo sa pangalang Ossan; ng matandang tagapayo ng heneral si Pilosopo Tasyo, ng mga lokal na aristokrato ang pananamit at gawi ng mga Amerikano. Subalit ang panggagaya at pangongopya ay nagiging sobra o kulang din---at dito naimamarka ang isa nang bagong katauhang Pilipino.

Katauhang Pilipino sa Panahong Amerikano

Ang bagong katauhang Pilipino na diktado ng pook at kapanahunang Amerikano ay inilalarawan ni Javier Santos/ Rei Vajt Ossan. Ang katauhang Javier Santos ay luma at mula sa tradisyong katutubo at Kastila. Ang katauhang ‘katutubo’ sa pagnanais na maibalik ang kaginhawahan noong panahon bago dumating ang Kastila ay nakipaglaban sa mga Kastila at nang malapit na itong makamit ay dumating naman ang bagong kolonisador na Amerikano. Ang ‘katutubo’ ay muling nakitagpo sa katauhang ‘Kastila’ (gamit ang moral at etiko ng Kastila) para palakasin ang sarili para labanan ang Amerikano. Magkagayunpaman, ang tradisyunalismo ni Javier Santos ay hindi nagtagumpay. Kailangan niyang ireimbento ang kanyang sarili sa isang di pa naaakdang katauhan, isang pangalan na nalikha bilang puzzle ng kanyang pangalan---ang pagbaliktad ng ‘Javier’ sa ‘Rei Vaj’ at ‘Santos’ sa ‘t Ossan.’ Enigmatiko at mapanlinlang na katauhan ang inangkin ng katutubong Pilipino para ipantapan sa dayuhang Hanzen. Magkagayunpaman, ang pangalang imbento ay markado ng pagiging dayuhan pa rin. Sa katunayan ang ‘Ossan’ ay salitang Hapon na ang ibig sabihin ay ‘matanda.’

May pagbulwak at pag-alpas ang akto ng pangongopya ng Pilipino sa dayuhan para tumbahin ang dayuhan. Kahit na naging patas sa larang ng paggamit ng parehong ‘dayuhang’ puhunan (sa pananaw ng mga tao) ang ginawa ni Javier ay isa pa ring paraan para malikha ang ‘iba’ niya na walang iba kundi ang kanyang pagkadayuhan. Nalebel lamang ito nang sa bandang katapusan ng kuwento ay magtagumpay si Javier/Ossan na pagbuklurin ang kapital ng mahirap at mayaman at pag-isahin sila sa adhikaing maitumba ang ekonomikong interes ng mga dayuhan.

1 comment: