Sa nobelang Canal dela Reina ang Tondo ay ginamit bilang lugar ng tunggalian. Mula sa pagiging magandang lugar nito (panhon ni Caridad) at ng pagiging pangit at bansot (panahon ni Nyera Tentay), hinabi ng naratibo ni Liwayway Arceo ang mga nangyaring pagbabago para maiakda ang isang pangarap na pagbabago (ni Junior).
Nagbukas ang nobela sa pagbabalik ni Caridad at ng kanyang pamilya para muling angkinin ang lupang pinabantayan sa isang katiwala para malaman lamang na ito ay naibenta na pala. Puno ng nostalhiya ang namuong damdamin kay Caridad dahil nawala na ang kagandahan ng nilakihang lugar. Ang Canal dela Reina ay isa nang iskwater.
Sa iskwater na ito ang itinuturing na makapangyarihan ay ang usurerang si Nyora Tentay. Hawak niya ang mga tanod at pulis. Ang mga mahihirap ay nakapalibot sa kanya para sa kanyang ‘tulong’ at pakikiramay---may kapalit na kabayaran siyempre.
Nakasandig ang proyekto ng naratibo ng nobela sa pagbawi ni Caridad ng ari-arian sa Canal dela Reina partikular na kay Nyora Tentay. Ginamit dito ang institusyon ng batas para dinggin at timbangin ang mga argumento at ebidensya ng magkabilang panig, na masasabi natin na pareho rin namang mayayaman. Ang moral at etikal na kamalian nga lamang ay nakabuhos sa katabaan ni Nyora Tentay. Ngunit sa bandang huli, hindi rin ang institusyon ng batas ang magpapa-alis sa Nyora sa Tondo ngunit ang baha at ang pagkamulat ng anak na lalaki.
Matapos mapaalis ng baha ang mga iskwater at masira ang bahay ni Nyora Tentay, pinuntahan ng mag-anak ang Canal dela Reina at inakda ang pook ng hinaharap. Rasyunalisasyon ng aktibistang si Junior:
Masasayang ang paghihirap natin at pakikilab an para sa kapirasong lupang ito kung makaraan ang lahat ay ang dating pamayanan rin ang sisibol. Kailangang ang pagbabago…kailangang magkaroon ng kahulugan ang lupang ito.
Sinulat ni Arceo ang nobela noong 1969 ngunit ang mga suliraning kakaharapin pagdating ng Martial Law ay masasabing nailatag na. Lantad na sa panahong ito ang aktibismo. Malakas na talakayan na rin ang nangyayari tungkol sa pagbabago sa patakaran sa mga lupang pansakahan; nariyan pa ang impluwensya ng sosyalismo sa mga kabataang estudyante ng mga kolehiyo at unibersidad. Ang tauhang si Junior ay nakapaghimasok dito ngunit pinatahimik ito literal ng pagbabawal sa kanya ng ama at pag-iwas din ng nobela na isatitik/isasalita ang mga ginagawa ng mga kabataang aktibista. Kaya sa halip na harapin ang estado sa pamamagitan ng hayagang protesta na siyang norm sa panahong sinusulat ang nobela, si Junior ay inilagay sa relief operation at ginawang mangagawang boluntaryo. Tinanggalan ng tinig kung ganoon ang subersibong katauhan ni Junior.
Marahil maiintindihan natin kung bakit pinipi si Junior. Ang pangangailangan at interes ng magasing Liwayway ay higit na matimbang kesa sa adhikaing personal ng awtor. Sa katunayan, inamin niya sa Intro na tinanggal niya ang mga bahagi na nagpapahayag ng pakikipaglaban sa estado.
Romantisismo ang dominanteng tradisyon na namamayani sa nobela kahit na may bahid ng realismo ang mga paglalarawan ng lugar at pangyayari. Lublob sa pagtatagisan ng pag-ibig at galit, ng pagpapahayag ng pagmamahal at ng paghihiganti, ang mga tauhan. Ang pagmamahalan ay pagpapahalagang umiikot sa pamilya ng protagonista na si Caridad. Paghihiganti naman ang nasa minor na protagonista na si Gracia (asawa ng anak na lalaki ni Nyora Tentay) na nakaranas ng pang-aapi sa Nyora. Samntala, nilalaro ng tema ng pag-ibig ang pagkakakilala ng anak ni CAridad at Gracia na parehong nagkrus ang landas dahil sa dalawang pangyayari: ang hablahan sa korte at ang baha sa Tondo. Sa mga tauhang nabanggit, melodramatiko at sentimental ang mga dayalogo at nasa likuran din ang didaktisismo---ang pagpapahiwatig na ang kasamaan ay hindi magtatagumpay sa huli at ang naaapi ay muling makakaranas ng ginhawa.
Dikta pa rin marahil ng kumbensyon ng romantikong nobela sa isang komersyal na magasin (kahit na ito’y pumapasok na sa realismo), karamihan sa mga karakter ay isteryotipikal at gumagalaw sa kumbensyunal na balangkas ng nobela. Sa kabilang banda, may pagsusumikap na ‘buuin’ ang karakter ni Junior para man lang sa ideolohikal na layunin. Ngunit kapos pa rin.
No comments:
Post a Comment