Kahit pa una nating banggitin na ang nobelang Etsa-pwera ni Jun Cruz Reyes ay sinulat para sa isang milyong peso na pabuya ng Centenial Literary Prize ng national Centennial Commission noong 1998, ang proyektong pag-akda ng bansa dito ay masasabing problematiko. Wala itong iisang lahi, pook o panahon na tinutukoy na inakda ang bansa. Ang nobela ay puno ng katanungan imbis na kasagutan kung ano ang mga bagay-bagay na magbibigay depinisyon sa isang konsepto tulad ng Pilipino, bayan o rebolusyon.
Hakop ng nobela ang iba’t ibang kapanahunan simula sa bago dumating ang mga Kastila hanggang kasalukuyan (at least 1990s). Nagsimula ito sa gitna---ang pagkikita at pagsama ng tatlong tauhan sa isang bahay---at nagbalik sa naratibo ng ‘pinagmulan’ ng kanilang lahi hanggang sa pinakahuling supling na si Ruben “Ebong” Balinghagay. Sinikap (kahit hindi seryoso) na ilantad ng naratibo ang genealogy ng lahing Pilipino na nirerepresenta ng mga kasalukuyang kabataang Balinghagay para lamang ‘ipagmalaki’ na ang lahi ay nanggaling sa isang usa (ang pangalan ay si Rosa) at isang Kastilang pari---o baka hindi rin kasi hindi malinaw na siya ang nakapagpaanak dahil meron pang isang naging ka-love team si Rosa. At mula kay Rosa ay lumitaw ang genetic configuration ng mga lahing usa, Igorot, Kastila, Hapon at Intsik.
Ang nobela ay hayagang nagsasabi na ito ay tungkol sa mga tauhang nasa laylayan o margin. Tinuring na nasa margin ang mga anak ng ‘usa’ sa tao, mga anak ng paring Kastila, anak ng Intsik, anak ng Hapon, anak ng rebelde at mga aktibista. Ang paglalahad ng naratibo ng mga tauhang ito ay nasa pananaw ng kabataang karakter na siyang nagbibigay-buhay at nagbibigay-kulay rin sa mga pinagtatagpi-tagping kuwento ng kanyang ama at lola. Ang pagsasalaysay ng iba’t ibang bersyon ay nangyari sa iisang panahon at lugar---sa bahay ng lola matapos maiuwi ang pinaampong bata sa pari. Nagpatuloy ito sa panahong nanantili siya sa bahay at nasaksaihan ang pang-aaping nangyayari sa kanyang paligid na nagtapos sa pagkamatay ng isang kaibigan at ng kanyang ama. Magpapatuloy ang naratibo sa hindi pa naisusulat na naratibo ng kabataang tauhan. Puno nga lamang ng kontradiksyon ang inakung posisyon na ito ng kabataan na namumuhay sa kasalukuyang panahon:
Ako, bakit ako ang tagapagmana ng kanilang mga walang katapusang sana? Hindi ng kabuhayan kundi ng lahat ng himagsik ng kanilang dugo. Bakit sa skin natambak ang lahat ng kasiraan ng lahi namin. Mananatili kaming etsa-pwera, kapag ako ang magtutuloy ng istorya. Pag-asa-pag-asa.
Sa panahong nag-iba na ang mga kanyang katutunggaliin, sa panahong iba’t ibang lunan at espasyo na kinaluluklukan ng mga Pilipino, paano niya isasagawa ang kanyang pag-akda ng kanyang sariling naratibo?
Malayo na ang narating ng porma at nilalaman ng Etsa-pwera. Wala nang hanggan kahit na konsepto ng masama/mabuti; sa maraming pagkakataon ito pa nga’y pinag-iisa. Tulad na lang ng karakter ng paring Kastila (Padre Francisco de San Esteban na pwede ring Apo Kiko) na siyang nagtatag ng bayan ng Igorot na siya ring nag-kwan sa anak na usa (Rosa); ng mestisong Intsik na parehong bayani (dahil mayroong monumento na pinalitan rin noong huli ng kay Dyesebel) at kalaban ng mamamayan; ng si Dune na parehong mangagamot, rebelde at iba pa.
Maituturing na alternatibong kasaysyan at counter-memory (terminolohiya ni foucault) ang nobel dahil sa pagtalakay nito sa historikal na mga tauhan. Magkayunpaman, mas naging historikal pa nga ang fiksyonal na mga tauhan kesa mga yaong nakasulat sa kasaysayan. Sa nobela maituturing na ‘interesting sidelights’ na lamang ang mga historikal natauhan tulad nina Aguinaldo at Col. Smith, ng mga Macabebe at mga Sakdal. Wala silang ‘kabubuhay buhay’ sa nobela. Ang nobela ay kababasahan ng mga hindi naitalang mga pangyayari ng pagtulong, pakipaglaban at pagbalatkayo ng mga tauhan sa panahon ng rebolusyon at giyera kontra Kastila, Amerikano at Hapon; o ng pang-aabuso ng mga sundalo ng gobyerno noong panahon ng Martial Law.
Naimarka kung ganoon ng nobela ang pagtatanghal ng kasaysayan ng bayan at ng mga walang kapangyarihang magtala at magtala nito sa opisyal na aklat ng bayan.
Tinumba rin nito ang tradisyunal na pakahulugan ng linyar na kasaysayan at ng naratibo nito. Sabi nga ng lola ni Ebong: “lumalaon bumubuti, sumasama kaysa dati.”
No comments:
Post a Comment